BENGHAZI, Libya (AP) – Ang koneksiyon ng Libya sa pagpasabog sa isang konsiyerto sa Manchester noong Mayo 22 at pag-atake nitong Biyernes sa mga Kristiyano sa Egypt ay nagbigay-linaw sa panibagong banta ng mga militante at grupong Islamic na sinasamantala ang kaguluhan sa bansang ito sa North Africa upang magkaugat, mangalap ng mga mandirigma, at magpadala ng mga jihadist sa ibang bansa para pumaslang ng maraming tao at maghasik ng karahasan.

Ang Manchester bomber na si Salman Abed, 22–anyos na British citizen, ay umuwi sa Libya mula Britain noong 2011. Ang kapatid niyang si Hashim, nasa kustodiya na ngayon sa Tripoli, ay umaming sila ay mga kasapi ng Islamic State.

Sa Egypt, ipinadala ni President Abdel-Fattah el-Sissi ang kanyang mga fighter-jet para bombahin ang mga kuta ng militante sa silangan ng Libya ilang oras matapos pagbabarilin hanggang mapatay ng mga mandirigma ng IS ang 29 na Kristiyano na patungo sa isang monasteryo. Ayon sa militar, ang mga militante ay sinanay sa Libya.

Daan-daang kabataang Libyan ang tumugon sa panawagan ng Jihad noong 1980s at bumiyahe patungong Afghanistan para lumaban sa mga Russian. Sa kanilang pagbabalik, ninais nilang ipatupad ang Islamic Sharia law sa kanilang mga bansa at bumuo ng mga underground cells.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na

Nang bumagsak si Muammar Gadhafi, naupo sa mga nabakanteng puwesto ang mga beteranong jihadist, al-Qaida sympathizer at iba pang uri ng Islamist. Ang kasalukuyang problema ng Libya ay nag-ugat sa kabiguan ng unang transitional government na mabuwag ang mga militante at isali sila sa national army. Sa halip ay nagpalakas sila sa Libya at naging mga terorista.