ALTAVAS, Aklan – Isang lalaki ang nasawi habang 24 na iba pa ang nasugatan matapos na mahulog sa gilid ng matarik na kalsada ang sinasakyan nilang jeepney sa Barangay Tibiao, Altavas, Aklan.
Kinilala ng Altavas Police ang nasawi na si Marjun Martinez, 32, ng Jamindan, Capiz.
Ayon kay PO3 Toni Dey Lauz, ng Altavas Police, galing sa outing sa Bgy. Songculan sa Batan ang magkakaanak na pasahero nang mag-shortcut ang jeepney driver sa Bgy. Tibiao.
Hindi kabisado ni Alex Lasconia, driver ng jeep, ang lugar kaya naman nahulog sa gilid ng kalsada ang jeep, na dumagan kay Martinez.
Kaagad namang isinugod ang mga biktima sa Altavas District Hospital para maipagamot.
Sumuko sa awtoridad ang driver ng jeepney na si Alex Lasconia at nangakong sasagutin ang lahat ng gastusin ng mga biktima.
Sinabi naman ni Lauz na hindi na interesado ang mga biktima na kasuhan si Lasconia.
Ngayong Lunes naman nakatakdang iahon ang jeepney mula sa lugar ng aksidente. (Jun N. Aguirre)