Nina CHARISSA M. LUCI-ATIENZA at BETH CAMIA
Suportado ng mga lider ng Kamara ang pagkansela ng pamahalaang Duterte sa peace talks sa mga komunistang rebelde.
“We support the good judgment of the President being the commander-in-chief. I must emphasize, however, that the only solution to this communist insurgency is only through peace and never by violence,” sabi ni AKO BICOL party-list Rep. Rodel Batocabe, president ng Party List Coalition (PLC).
Naniniwala naman si Parañaque City Rep. Gus Tambunting, chairman ng House Committee on Games and Amusement, na ang Pangulo bilang commander-in-chief “is in the best person to make that decision.”
Nagbabala si Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, bahagi ng delegasyon ng Kamara para mag-obserba sa ikalimang serye ng peace talks sa Noordwijk aan Zee, The Netherlands, na ang taong bayan ang madedehado sa pagtigil sa mga negosasyon.
“President Duterte should stand his ground in supporting the peace talks and stop listening to his security advisers that are obviously giving him ill-advises,” ani Casilao.
Naudlot ang ikalimang yugto ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) nang kumalas ang Covenant peace panel sa mga pag-uusap kasunod ng pag-utos ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kanilang puwersa na paigtingin ang opensiba sa gitna ng pagpapatupad ng martial law sa Mindanao.
Gayunman, nilinaw ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na hindi nila tuluyang sinususpinde ang peace talks na unang itinakda sa May 27 hanggang Hunyo 1.
Sinabi naman ni NDF negotiating panel senior adviser Luis Jalandoni sa isang press briefing na nag-uusap na sila kung paano tutugon sa pahayag ni Dureza. Idinagdag niya na masyadong “one sided” ang pananaw ng pamahalaan.
Ayon naman kay Communist founding chairman Joma Sison, mali na sisihin ang New People’s Army at sabihing wala nang kontrol dito ang CPP at NDF. Iginiit niya na mananatili ang mataas na moral ng rebeldeng komunista sa ilalim ng pamumuno ng CPP.