LABIMPITONG taon na ang nakalilipas pero hindi pa rin napapanood ni Sylvia Sanchez ang pelikulang Anak (2000) nina Lipa Representative Vilma Santos-Recto at Claudine Barretto na idinirihe ni Rory Quintos under Star Cinema.

Vilma at  Claudine sa 'Anak'
Vilma at Claudine sa 'Anak'
May malalim na dahilan si Ibyang: 

“Masama loob ko kasi sa pelikulang ‘yon. Dapat kasi kasama ako ro’n, sobrang na-depress ako kaya ayaw ko panoorin.”

Sa launching ng Beautéderm products kay Sylvia bilang first endorser, nabanggit niya na isa sa mga naging kabiguan niya bilang artista ang hindi niya pagkakatuloy sa Anak na sa Hong Kong sana kukunan ang mga parte niya bilang OFW.

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

“Hindi kasi sinabi ni Tita A (Angge – SLN) na may pelikula akong gagawin, so ako naman nu’ng time na ‘yun, eh, wala naman akong ginagawa, nagpagupit ako ng buhok.

“Katatapos ko lang magupitan noong ng buhok nu’ng tumawag si Tita Angge para sabihing kasama ako sa Anak, e, nalaman niyang nagpagupit ako, hayun galit na galit. Away talaga kami, eh, malay ko ba naman, hindi naman kasi niya sinabi kaagad.

“‘Tapos sabi ng ni Direk Rory, ‘Sylvia mahal kita, pero kailangan kitang tanggalin sa movie kasi ‘yung buhok mo ngayon ay kapareho ng kay Vilma, hindi naman puwedeng gumamit siya ng wig.’ Kaya ang sama-sama talaga ng loob ko.

“Siyempre, Ate Vi na ‘yun, makakasama ko na sana, eh, ‘tapos nawala pa. At mas lalo pang sumama loob ko kasi bukod sa akin, e, natanggal din si Malou De Guzman na kabatuhan ko sana, pati siya nadamay dahil sa akin,” kuwento ng aktres.

Ang ipinalit daw sa kanila ni Malou ay sina Cherrie Pie Picache at Amy Austria.

Kaya hanggang ngayon ay hindi magawang panoorin ni Ibyang ang Anak na nakapag-uwi ng kaliwa’t kanang awards sa Famas, Gawad Urian, Star Awards at FAP Awards.

Pangarap din kasi ni Ibyang na gumanap bilang OFW. --Reggee Bonoan