18762349_1932504726775628_1167949366_n copy

PILI, CAMARINES SUR – Dinumog ang free concert nina James Reid at Nadine Lustre nitong Mayo 20 sa Freedom Stadium, ang world-class Olympic-size arena ng lalawigan, bilang bahagi ng pagbubukas ng Kaogma Festival 2017, ang taunang foundation anniversary celebration ng Camarines Sur, na may hashtag na #HappinessOverload.

Pero bago pinagkaguluhan ang JaDine, nag-trending muna ang pagsayaw ni Gov. Migz Villafuerte, bilang pampagana sa mga manonood.

Hindi magkamayaw ang fans, na dumayo mula sa iba’t ibang bayan at karatig-lalawigan, sa performance ng power love team na tahimik na natapos ng 10:00 PM. Kasama ang mga anak at mga barkada, bukod sa panonood ng concert, nag-bonding din ang lahat sa libreng karnabal sa loob ng Freedom Stadium.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kinaumagahan, nagpatalbugan sa street dance competition ang iba’t ibang bayan na may kani-kaniyang tema. Naiuwi ng Milaor ang first prize na may premyong cash na P100,000.00.

Iba’t ibang palabas at aktibidad ang tampok sa week-long na Kaogma Festival, kabilang ang Art Festival, ang amateur boxing championship, at ang Miss Kaogma na nagiging tulay ng beauty queens mula sa Camarines Sur papunta sa malalaking pageants. Ang ilan sa nagmula sa Miss Kaogma ay sina Venus Raj, Joyce Nocomura, at iba pa.

Ang Kaogma Festival ay sinimulan dalawang dekada na ang nakararaan. Itinataon ang pagdiriwang sa buwan ng anihan, may mga pista at mga pagdiriwang sa bawat bayan bilang pasasalamat. Kaya ang Kaogma ay hindi lang pagdiriwang ng foundation anniversary ng probinsiya kundi pagpapasalamat din ng mga magsasaka sa masaganang ani.

Mas pinainit at pinasaya ang okasyon nang umupo si dating Gov. L-Ray Villafuerte na congressman ng 2nd District ng Camarines Sur ngayon. ‘Hottest Festival in the South’ ang Kaogma noong 2003, na inaabangan na at dinadagsa taun-taon.

Ang Kaogma Festival 2017 ay pinaghandaan ng pinakabatang gobernador sa buong Pilipinas dahil bukod sa pagpapasalamat sa mapayapang taon, maaliwalas na panahon, at masaganang ani, pagdiriwang din ito sa tagumpay ng kanyang kasintahan na si Rachel Peters na kinoronahan bilang Bb. Pilipinas–Universe.

Sa ilalim ng pamamahala ng mag-amang Gov. Migz at Cong. L-Ray Villafuerte umaangat ang kabuhayan ng mga taga-CamSur na simula nang buksan ang CamSur Watersports Complex at i-promote ang world-class na Caramoan beaches ay isa na sa mga pangunahing tourist destination sa bansa -- kaya patuloy na dumarami ang mga turista na nagbubunsod din ng pagbubukas ng mas maraming iba’t ibang negosyo. (RUEL SALDICO)