Nalagutan ng hininga ang isang lalaki na umano’y basurero sa umaga at drug pusher sa gabi, makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sugatan ang isang balut vendor sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot si Arce Bairan, 38, ng M. Delos Reyes Street, Barangay Gen. T. De Leon, dahil sa mga tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan.

Sugatan naman si Ely Meimban, 45, makaraang barilin ng mga suspek sa kanang paa.

Ayon kay Meimban, dakong 7:14 ng gabi, nagtitinda siya ng balut sa Capt. Cruz, Bgy. Parada, nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril sa hindi kalayuan.

National

'Carina,' patuloy sa paglakas; Signal No. 2, nakataas sa Batanes

“Pagsilip ko, nakita ko ‘yung dalawang lalaki na binabaril ‘yung tao na nakahandusay sa semento kaya natakot na akong tumingin,” ani Meimban.

Ngunit nakita siya ng isa sa mga suspek at siya ay binaril saka humarurot palayo.

Narekober ni Police Sr. Insp. Sonny Boy Tepace ng Scene on the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang basyo ng bala at apat na pakete ng umano’y shabu mula sa bulsa ni Bairan. (Orly L. Barcala)