HINDI inaasahang mapapaikli ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Moscow, Russia, dahil kinailangan niyang umuwi kaagad sa Pilipinas matapos siyang magdeklara ng batas militar sa Mindanao nitong Martes. Pinaikli rin ni President Vladimir Putin ang pagtungo niya sa isang siyudad may isang libong milya ang layo sa Moscow upang magkaharap sila, kahit saglit lamang, sa Kremlin Grand Palace.
Nilagdaan nitong Huwebes ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano ang ilang kasunduan sa ngalan ni Pangulong Duterte, kasama sina Tourism Secretary Wanda Teo, Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña, at National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr.
Nakasaad sa mga kasunduan ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng turismo, agrikultura, sining at kultura, transportasyon, kalakalan at pamumuhunan, pagpapaunlad ng mga industriya, at mapayapang paggamit ng enerhiyang nukleyar. Nagkataong dalawa sa mga kasunduan ay tungkol sa pagtutulungan sa depensa, kabilang ang pagsasanay, at sa pagpapalitan ng intelligence information.
Sa saglit nilang paghaharap bago siya umuwi sa bansa, humiling si Pangulong Duterte kay President Putin ng soft loan upang makabili ng mga precision-guided weapon at iba pang modernong kagamitan ng militar. Humingi naman si Putin kay Duterte ng listahan ng mga kinakailangan niyang gamit at sinabing masusi itong pag-aaralan ng Russia.
Ang paghaharap nina Duterte at Putin sa Moscow at ang mga kasunduang nilagdaan ng kani-kanilang opisyal ay sumisimbolo sa mabuting ugnayan ng dalawang bansa. Ayon sa kasaysayan, ang opisyal na ugnayan ng Pilipinas at Russia ay nagsimula noon pang 1817 nang magbukas ng konsulado ang imperial Russia sa Maynila, na noon ay kolonya ng Spain. Ngunit sa mas modernong panahon, noong Cold War, nasa magkabilang panig ng mga pandaigdigang usapin ang Pilipinas at Russia, at kaalyado ang bansa ng Amerika.
Ito ay hanggang sa maihalal si Pangulong Duterte noong 2016 at idineklarang isusulong niya ang isang mas nakapagsasariling polisiyang panlabas, isang hindi masyadong nakaasa sa Amerika, at pag-iibayuhin ang ugnayan sa Russia at China.
Ngayon, matatag na sumusulong ang Pilipinas kaakibat ang malalaki nitong plano sa maraming larangan, partikular na sa imprastruktura, enerhiya, at transportasyon. Pursigido nang nakikibahagi ang China at Japan sa mga planong ito ng administrasyong Duterte. Maaaring maging pangunahing katuwang ng bansa ang Russia sa mga programang ito.