LAOAG CITY – Inilarga ng Philippine Sports Institute Sports Mapping Action Research Talent Identification (PSI-SMART ID) ang programa sa Luzon sa isinagawang coaching program para sa mga trainor at coach sa lungsod at karatig na lalawigan nitong Sabado sa Marcos Centennial Arena Stadium.

Pinangasiwaan ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Arnold Agustin ang apat na araw na programa, sa pakikipagtulungan ni Favio Bartolome, head sports consultant sa Ilocos Norte.

Katuwang nilang nagsagawa ng pagtuturo at pagsasanay sa mga guro at local coaches ang mga coach at trainors mula sa national sports associations (NSA) ng athletics, boxing, badminton, football at sepak takraw.

Pinangunahan naman ni dating PBA player ay college coach na si Christian Luanzon ang pagsasanay sa basketball.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Ito ‘yung programa na nagbibigay ka ng pagsasanay and at the same time nakapaghahanap ka ng mga bagong talento,” pahayag ni Agustin.

“Karamihan sa mga potential athlete natin nanggagaling pa sa malalayong probinsiya pero hindi makabiyahe papuntang Manila dahil kulang sa budget. So dito sa PSI, kami na ang pupunta sa kanila,” aniya.

Layunin ng PSI-SMART ID na matulungan ang mga local coach na mapaangat ang kanilang kaalaman hindi lamang basic ng sports kundi sa aspeto ng science.

Iginiit ni Bartolome na malaking ayuda ang programa sa kaalamn ng mga local trainor at coach.

“Marami kaming atleta at may coaches din, pero ‘yung proper approach, coaching techniques, how to handle athletes, ‘yun po ang kulang sa amin ngayon. Kaya kailangan ng ganitong activities para magkaroon kami ng resources at sapat na kaalaman na maituturo sa mga bata,” aniya.

Karamihan sa mga lumahok ay mga guro sa PE na inimbitahan ni Gene Reginaldo, Education Program Supervisor-MAPEH ng DepEd Ilocos Norte.