NAKOPO nina national mainstay Lara Posadas at Kenneth Chua ang open singles masters titles sa katatapos na 2017 Philippine International Open Tenpin Bowling Championships sa Coronado Lanes sa Starmall Shaw, Mandaluyong City.

Naitala ni Posadas ng PBAP-Bowlmart ang perpektong kampanya sa qualifying round para sa kabuuang iskor na 1387. Sa stepladder, umiskor siya ng 1692 pinfalls.

Ginapi niya si Singaporean Iliya Syamim sa best-of-three stepladder title match, 232-209 at 188-166. Nagwagi naman si Iliya kontra sa kababayang si Jermaine Seah, 223-203, sa semifinals, para makaharap si Posadas sa stepladder finale.

Naungusan naman ni Chua, 25, si No. 1 seed Wu Siu Hong ng Hong Kong sa best-of-three stepladder title match, 247-162 at 267-217 para makamit ang men’s open title. Umusad siya sa finals nang pabagsakin si Michael Mak ng HongKong, 247-217, sa semifinals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bukod sa cash prize, naiuwi nina Posadas at Chua ang tropeo na gawa ng pamosong Pinoy artist at sculptor na si Joe Datuin.

Inorganisa ng Philippine Bowling Federation (PBF), ang torneo ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

Samantala, pinangunahan ni national team coach and Philippine bowling legend Paeng Nepomuceno ang Team Pugad para makopo ang PBF Corporate team title tangan ang kabuuang 2483 puntos laban sa U & I Bowling Club (2227) at PAREB (2207).