ISULAN, Sultan Kudarat – Sinabi ng manggagawa sa isang Simbahang Katoliko sa Marawi City na nagbanta ang sinasabing isa sa mga namumuno sa Maute Group na pupugutan umano ng ulo ang mga bihag nito kung hindi ihihinto ng militar at pulisya ang opensiba nito laban sa kanila.

Ayon sa hindi pinangalanang source, ipinaabot ng Maute ang nasabing kondisyon at nangakong pakakawalan ang mga bihag, kabilang na si Fr. Teresito Suganob, at isusuko kay Bishop Edwin Dela Peña kapag napagbigyan ang kanilang hiling.

Kinilala rin ng source ang tatlo sa sinasabing 14 na binihag ng Maute, bukod kay Suganob, mula sa sinilaban nitong St. Mary’s Cathedral nitong Martes, na sina Ma. Luisa Colina, Crispina Banirang, at Wendolyan Mayormina.

Muli namang nanawagan ang mga obispo sa agarang pagpapalaya sa mga bihag, kasabay ng apela sa gobyerno na gawing pansamantala lamang ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We pray for the safety of all the kidnapped, of Fr. Teresito Suganob and his companions. We appeal to the hostage takers to release all of them unharmed. The victims fear death but they also have the courage to give ultimate witness to Christ,” saad sa pahayag kahapon ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo.

AIR STRIKE

Samantala, inaasahan na ang mas marami pang air strike sa Marawi dahil walang nakikitang senyales ang militar ng anumang pagsuko mula sa panig ng Maute.

Ayon kay Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), okupado ngayon ng teroristang grupo ang ilang bahay at mga pampubliko at pribadong gusali simula nang salakayin ang lungsod nitong Martes.

“Their refusal to surrender is holding the City captive. It is now necessary to use more surgical air strikes to clear the City and to bring this rebellion to a quicker end,” ani Padilla.

Mahigit 10 na ang nasawi sa panig ng militar at pulisya, habang mahigit 30 naman sa Maute.

Nakalikas na rin mula sa siyudad ang 90 porsiyento ng mga residente nito, bagamat napaulat na nasa 1,000 pa ang tumatangging lumisan sa Marawi.

SEGURIDAD SA MGA MOSQUE

Samantala, kaugnay ng pagsisimula ng buwan ng Ramadan ng mga Muslim ay ipinag-utos ng AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom) sa lahat ng tauhan nito sa Western Mindanao na tiyakin ang seguridad sa paligid ng mga mosque.

Ayon kay AFP-WestMinCom commander Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., dahil sa tumitinding labanan sa Marawi ay naaapektuhan ang dapat sana’y payapang paggunita ng mga Muslim sa Ramadan.

“Nais naming humingi ng paumanhin sa lahat ng mamamayang apektado. Sa mga kapatid naming Muslim lalong lalo na sa mga miyembro ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) at MNLF (Moro National Liberation Front), humihingi kami ng pang-unawa sa pangyayari ngayon,” sabi ni Galvez. “Even our Muslim soldiers are given time to practice their faith.”

Kinumpirma rin kahapon na noong Huwebes pa na-rescue ang 42 guro, mula sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Wao, Lanao del Sur, na naipit sa Marawi.

Nasa Iligan City sa Lanao del Norte na ang mga guro at sumasailalim sa stress debriefing ng Philippine Red Cross kasama ang iba pang evacuees.

(May ulat nina Fer Taboy, Nonoy Lacson at Mike Crismundo) (LEO DIAZ, MARY ANN SANTIAGO at AARON RECUENCO)