MS. REI AT SYLVIA copy

MANGHANG-MANGHA si Sylvia Sanchez habang pinapanood ang inihandang VTR ng BeautéDerm na kuha sa mga billboard niya na nakakabit na sa tabi ng highways sa Metro Manila at mga probinsiya.

Overwhelmed ang aktres sa malalaking billboards na inakala niyang square lang. Hindi niya akalain na isang mahabang puwesto ang okupado sa SLEX bukod pa sa naglalakihang nasa Edsa, Davao, Isabela at Cebu, ayon na rin sa kuwento ng presidente/CEO ng BeautéDerm na si Ms. Rei Ramos-Tan.

“Antaray ni Ibyang, daming billboards!” halos iisang komento ng reporters na dumalo sa launching ni Sylvia bilang kauna-unahang product endorser ng BeautéDerm. “‘Yung ibang endorser, iilan lang.”

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Abut-abot ang pasasalamat ng aktres kay Ms. Rei sa tiwalang ibinigay sa kanya na susuklian naman daw niya ng sipag na magpapayat sa gym at pahahalagahan nang husto ang pagkakataong ibinigay sa kanya na magkaroon ng kauna-unahang product endorsement sa loob ng 27 taon sa show business.

Hindi rin naman mapapahiya si Ms. Rei sa pagkuha kay Sylvia dahil sa edad na 46 ay napanatili niya ang magandang kutis at katawan dahil hindi naman siya tumaba nang husto.

May mga dahilan si Ms. Rei kung bakit si Sylvia ang kinuha niyang endorser ng BeautéDerm na ginawaran na ng Superbrands seal at FDA approved pa.

“Kahit po marami tayong kaibigang celebrities, siyempre, isa po akong tagahanga ng isang Sylvia Sanchez, doon po tayo mag-umpisa.

“Dati rin po akong taga-media, nakita ko po siya at napakatagal na niyang artista, napaka-versatile po niya, mapabida o kontrabida ay kayang-kaya po niya tapos.

“Dahil negosyante po ako, hindi talaga ako nanonood ng teleserye, aminin po natin minsan, di ba, dahil busy ka sa trabah,” kuwento ni Ms. Rei. “Pero nu’ng dumating po ‘yung The Greatest Love ay talagang nanood ako at mas lalo po akong humanga sa kanya kasi napakagaling po niyang artista.

“’Tapos it happened lang po, bigla ko po siyang na-meet through my good friend, Ate Shyr (Valdez). Dahil isa po akong fan, na-starstruck ako. Hindi ako komportable nu’ng una ko siyang makita, pero nakilala ko siya at hindi siya katulad ng ibang artista na kapag lumalabas naka-lipstick, kailangan buo ‘yung kilay niya.

“Si Ate Sylvia po kahit naka-pajama, haharap siya sa tao, kahit first time ka niyang makilala, hina-hug ka niya, siya po ‘yung nakilala ko na napakatotoong tao.

“’Tapos first time ko ring makilala ang kanyang anak na si Ria (Atayde), ang ini-expect ko kapag mga batang coño ngayon mga sosyal, napakagalang po ng mga bata, nagbi-bless po sila, humahalik kaagad.

“Kaya sabi ko, ‘eto na, nakita ko na kaagad talaga ang magiging brand ambassador ko, napakagaling na artista,

napakabuting ina. Tingnan n’yo naman po ang kanyang mga produkto, dalawa sa ating mga hinahangaan ngayon, sina Arjo at si Ria na dahil po sa isang napakagaling na ina. Kaya siya po ang pinili ko na ipakita at kapag kayo’y dadaan sa EDSA, sa Davao, meron din po sa Isabela, magkakaroon din po tayo ng billboard sa Cebu at isang Sylvia Sanchez lang po ang karapat-dapat na face of BeautéDerm,” mahabang kuwento ng may-ari ng sikat na beauty products.

Dahil pumayat na si Ibyang at siyempre super ganda pa rin ng mukha, natanong siya kung kaya niyang magsuot ng two-piece.

“’Wag naman two-piece, swimsuit kaya, puwede naman ‘yun, ‘wag lang two-piece,” natawang sagot ng aktres.

Ikinuwento ng aktres na may mga kamot na siya sa tiyan pagkatapos magbuntis at manganak ng ilang beses at ayaw niyang dayain ang pictorial o i-photoshop dahil natural ang gusto niya.

Pabirong tinanong si Ibyang kung willing ba siyang mag-pose sa men’s magazine at ang ganting birong sagot niya, “Kapag 19 inches ang beywang ko. Ang taba-taba ko, huwag na ‘yun.”

Paano kung umabot nga sa 19 inches ang waistline niya?

“’Wag na, ang lalaki na ng mga anak ko, ikakahiya nila ako, ha-ha-ha!”

Makailang beses din kaming tinanong ng mga katoto kung sino ang photographer ng ginamit sa billboards dahil ang ganda raw, kuhang-kuha ang anggulo, at fresh, at sinagot naming si Edward de la Cuesta (paboritong photog ng Star Magic talents at publicity materials ng mga pelikula ng Star Cinema).

Bago iniharap sa press launch ay tatlong buwan na nag-gym si Ibyang para hindi mapahiya ang BeautéDerm sa pagkuha sa kanya.

Posible ba niyang makasama sina Arjo at Ria bilang endorsers din ng beauty products na sikat na sikat na rin pala sa iba’t ibang bansa?

“Hindi ako makakasagot kasi under sila ng Star Magic, so sila ‘yun. Taping schedule at call time lang pinapakialaman ko pero sa mga produkto kung may kukuha sa kanila, Star Magic ‘yun,” sagot ng beautiful wife ni Art Atayde.

Naikuwento rin ng aktres na binu-bully siya nina Arjo at Ria ngayong endorser na siya, humabol pa raw siya kahit may edad na. (Reggee Bonoan)