ISANG araw bago ang Group of Seven summit sa Italy, hinimok nitong Huwebes ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang mga pinuno ng G7 o ang pitong pinakamauunlad na bansa na pagtibayin ang isang six-point action plan na magbibigay ng proteksiyon sa mga batang refugee at migrante.
Nasa 36,000 sa mga nailigtas na refugees at migrante simula noong Enero ang dinala sa Sicily, ang pagdarausan ng summit ngayong taon, at ginawang prioridad ng Italian G7 presidency ang migration sa mga tatalakayin sa summit, ayon sa UNICEF.
“Sicily stands as a symbol of hope for uprooted children seeking a better life, but it is also the endpoint of an extremely dangerous journey that has claimed the lives of many children along the way,” sabi ni Justin Forsyth, UNICEF Deputy Executive Director.
Inilahad ng UNICEF ang panawagan sa panahong muling pinag-uusapan ang mapanganib na paglalakbay sa Central Mediterranean mula sa North Africa hanggang sa Italy.
Nasa 200 bata ang nasawi habang tinatawid ang Central Mediterranean mula sa North Africa hanggang sa Italy ngayong taon, o mahigit sa isang bata kada araw, batay sa huling datos mula sa UNICEF.
Sa pagitan ng Enero 1 at Mayo 23, mahigit 45,000 refugee at migrante ang dumating sa Italy sa paglalayag sa karagatan, nadagdagan ng 44 na porsiyento mula sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Kabilang dito ang nasa 5,500 bata na walang kasama o nahiwalay sa kaanak, tumaas ng 22 porsiyento mula noong 2016, na bumubuo sa nasa 92 porsiyento ng lahat ng bata na dumating sa Italy sa pagdaan sa Central Mediterranean.
Isang record sa taas na 26,000 walang kasama o nahiwalay na bata ang dumating sa Italy noong nakaraang taon, ngunit kung pagbabatayan ang kasalukuyang nangyayari, mahihigitan ang nabanggit na record ngayong 2017.
“That is not a record to be proud of, but a reminder of our collective failure to ensure the safety and wellbeing of refugee and migrant children,” sabi ni Forsyth.
Nitong Huwebes, bisperas ng G7 summit, nakibahagi ang mga bata, mga volunteer, ang Italian coastguard, at ang mga opisyal ng Italy at ng UNICEF sa isang simbolikong pagliligtas ng mga bangkang papel bilang paggunita sa libu-libong bata na nagbuwis ng kanilang mga buhay sa pagtawid sa Central Mediterranean at paghahatid ng mensahe sa G7 na mahalagang umaksiyon ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata habang naglalakbay.
Hinimok ng UNICEF ang mga pinuno ng G7 na pagtibayin ang six-point Agenda for Action para sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga batang refugee at migrante. Bukod dito, inilunsad din ng UNICEF ang kampanyang #AChildIsAChild, na suportado ng mahigit dalawang milyong katao sa social media. (PNA)