Nagpahayag kahapon ng suporta ang Malacañang sa mga Pilipinong Muslim sa pagdaraos ng banal na buwan ng Ramadan, lalo na ngayong nagpapatuloy ang krisis sa Marawi City, Lanao del Sur.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa pamamagitan ng isang pahayag kahapon, na nakikiisa ang Malacañang sa pagdarasal para sa katapusan ng terorismo “(that) falsely claims to advance Islam and seeks to subjugate our land to the brutal ISIS.”
“In this spirit of Muslim peace, the President has offered the hand of peaceful dialogue to terrorist groups, to avoid bloodshed in this time of prayer, fasting and mercy,” wika niya.
Nitong Biyernes ng hapon, sinabi ni Duterte na payag siyang makipag-usap sa mga teroristang grupo sa pagtatangkang mawakasan na ang labanan sa Marawi upang wala nang madadamay na buhay o mapipinsalang mga ari-arian.
“With all faiths, we pray that God restore and preserve peace in Mindanao,” sabi ni Abella.
Ang buong isla ng Mindanao ay isinailalim sa martial law simula nitong Martes dahil sa mga pag-atake sa siyudad ng ISIS-backed na Maute Group at ng Abu Sayyaf Group, na ikinamatay ng 11 puwersa ng gobyerno hanggang nitong Mayo 25.
Sinuspinde rin ni Pangulong Duterte ang privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao sa loob ng 60 araw.
SUPORTA NG SIMBAHAN
Tinanggap din ng Malacañang ang pagsuporta sa batas militar ni Ozamiz City Archibishop Martin Jumoad at umaasang susunod ang mga kapwa nito obispo at mga pari.
“We laud the good bishop's support of the President's war against violent extremism in Mindanao,” sinabi ni Abella sa hiwalay na pahayag kahapon. “We hope his fellow bishops and other clergy follow his example for their parishes, and prioritize the peace and safety of the people.”
Pinuri ni Abella ang pahayag ni Jumoad na naging popular sa ilang sektor nang sabihing “(it is) vital that the government restores peace and order in Lanao del Sur” at inuuna ang kapakanan ng kanyang diocese higit sa lahat.
Samantala, sinabi rin ni Abella na kinikilala rin ng gobyerno ang pahayag ni Cardinal Quevedo, Arsobispo ng Cotabato, sa ngalan ng mga obispo sa Mindanao, na hindi nila tinututulan ang martial law.
Sa naturang pahayag, hinimok din ni Quevado ang gobyerno "to remove the causes of terrorism, such as poverty and injustice, through just and accountable governance focused solely on the common good."
APELA SA MUSLIM LEADERS
Samantala, iginiit ni Abella sa Muslim leaders na kinakailangan ng mga ito na magsalita kontra sa mga teroristang grupo, lalo na ngayong nagsimula na ang Ramadan.
“We also call on Muslim leaders to speak out against terrorist groups, who use religion to disguise their barbarity, staining the peaceful name of Islam with the blood of innocents during this holy month of Ramadan,” ani Abella.
(Argyll Cyrus B. Geducos)