DAVAO CITY – Babae laban sa lalaki. Bakit hindi? At sa 3-on-3 basketball tournament ng Summer Children’s Game dito, pinatunayan ni Allyn Pechon na may lugar siya sa hard court.
Pinangunahan ng 12-anyos na si Pechon ang Barangay Buhangin sa ikaapat na sunod na panalo para manguna sa bracket A ng torneo nitong Sabado sa Camp Domingo E. Leonor, Davao City Police Office (DCPO) covered court.
Nalusutan ng Barangay Buhangin ang Barangay Cabantian, 5-4, para makausad sa Round of 16 kasama ang barangays 7-A, Duterte Agdao, 76-A Bucana, Sto. Niño, Bantol, Talomo Proper at 10-A.
“This is my first ever league. I enjoyed playing with my male teammates and playing against other all-male teams.
This has been a good experience for me to play with other barangay teams of Davao),” pahayag ni Pechon na aminadong Stephen Curry fanatic.
Si Pechon, mula sa Sto. Tomas, Davao del Notre at Grade 6 student sa Davao Jones Academy kung saan isa siyang scholar. Kasama niya sa koponan sina Kymwell Keliminiano, 11, Mark Cabeza, at Euseph Toledo, nagtapos na valedictorian sa Grade 6 sa DJA.
Ginabayan sila ni coach Jimmy Calicot, Jr.
Umusad ang Barangay 7-A sa 4-1 karta nang gapiin ang Barangay Marapangi B, 4-1, sa bracket B, habang giniba ng Duterte Agdao ang Barangay Bantol ng Marilog District, 8-3, at tinalo ng Barangay 76-A Bucana ang Barangay 2-A, 10-2, sa Bracket D.
Sa volleyball, naitala ng barangay Mulig, Bantol at Cabantian ang tig-dalawang panalo.
Pinatalsik ng Mulig ang Barangay Indangan, 25-9, 25-12, at Barangay Tamugan of Baguio District, 27-25, 19-25, 25-19.
Winalis naman ng Bantol ang Barangay Mahayag, 25-18, 25-18 at Barangay 2-A, 25-5, 25-15, habang namayani ang Barangay Cabantian sa Barangay Catalunan Grande, 25-18, 25-12 at Barangay Sto. Nino, 25- 18, 25-21.
Ang Summer Children’s Games ay bahagi ng ‘Sports for Peace’ na isinusulong ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.