Patay ang dalawang hinihinalang drug pusher habang arestado ang dalawa nilang kasabwat, sa buy-bust operation sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Razoda, alyas Danny, 56, at Roberto Alvarez, alyas Robert, 33, at ang mga inaresto ay sina Ma. Elsa Morales, 34, at Rosalinda Bromeo, 48, kapwa ng 2159 C San Andres Extension sa Sta. Ana.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Jerry Corpuz, hepe ng Manila Police District-Station 6, bandang 2:45 ng madaling araw isinagawa ang operasyon sa bahay ng mga suspek.

Nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng Drug Enforcement Team, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Corsorcio Pangilinan, na sangkot ang mga suspek sa ilegal na droga at ikinasa ang operasyon laban sa mga ito.

National

Kanlaon, nakapagtala ng 4 volcanic earthquakes – Phivolcs

Nakabili sina PO1 Sid Adhel Abueg at PO1 Jayson Niegos, kapwa nagpanggap na buyer ng shabu, ng P300 halaga ng shabu kay Razoda at ito ay inaresto.

Ngunit sa halip na mapayapang sumuko, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang awtroidad hanggang sa magkapalitan ng bala at tuluyang bumulagta ang dalawa.

Hindi naman nakaligtas at inaresto ang mga kaanak ni Razoda at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 revolver, pitong pakete ng umano’y shabu, mga drug paraphernalia at buy-bust money. (Mary Ann Santiago)