Nadakma ang dalawa sa tatlong Chinese na nahuli sa aktong kinukunan ng video ang isang bagong pelikula sa loob ng sinehan sa mall sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10088 o Anti-Camcording Act of 2010 sina Zhu Dan, 28, at Chen Xiu Ying, 20, tumutuloy sa 15K Palm Royal Tower sa Bay Garden, SM Mall of Asia (MOA).

Tinutugis ang isa pa nilang kasama na tumakas habang dinadala sa presinto.

Sa ulat ni Senior Supt. Dionisio Bartolome, Jr., hepe ng Pasay City Police, dakong 10:20 ng gabi inaresto ng mga guwardiya sina Dan at Ying at isa pa nilang kababayan sa loob ng IMAX Cinema, SM MOA nang maaktuhang kinukunan ng video ang “Pirates of the Caribbean: Dead Men Tell No Tales.”

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa salaysay sa pulisya nina Judy Ann Beting at Erickson Disonglo, kapwa guwardiya sa sinehan, naaktuhan nila ang tatlong dayuhan na kinukunan ng video, gamit ang cell phone, ang nasabing pelikula.

Sa oras na mapatunayang guilty ang mga suspek ay pagbabayarin sila ng P50,000 hanggang P750,000 bilang multa sa paglabag sa Anti-camcording Act of 2010, bukod pa sa pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.

(Bella Gamotea)