CARMONA, Cavite – Nangibabaw ang bilis at lakas sa diskarte ng Sepfourteen para makopo ang first leg ng 2017 Philracom-Triple Crown series kamakailan sa San Lazaro Leisure Park dito.

Sakay ang pamosong jockey na si John Alvin Guce, humagibis ang Sepfourteen mula sa simula hanggang rekta para maitala ang isa sa pinakamalayong distansiyang panalo sa kasaysayan ng Triple Crown.

Nagawang mailayo ng 30-anyos na si Guce ang Sepfourteen laban sa mga karibal na Smokin Saturday at Biglang Buhos.

Ratsada ang Sepfourteen para pakainin ng alikabok ang mga karibal may 20 metro ang layo tangan ang kabuuang tyempo na isang minuto at 49.2 segundo. May kabuuang distansiya na 1,600-meter ang karera.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakahabol naman sa meta ang Pangalusian Island at Golden Kingdom upang mahigitan ang Smokin Saturday at Biglang Buhos para sa ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Naiuwi ng Sepfourteen ang P1.8 sa kabuuang P3 milyon premyo sa unang leg ng Triple Crown na kahalinutlad sa prestihiyosong karera sa Amerika.

Ayon sa Philracom, may kabuuang P6.5 milyon ang inilaan na premyo sa walong karera na pinakawalan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng Manila Jockey Club.

“Tanaw ko nu’ng last 400 meters na malaki ang panalo, kaya tinuloy ko na,” pahayag ni Guce.

Nagwagi naman ang Selfie sa Philracom’s 3YO Locally Bred Stakes Race, gayundin ang Brilliance sa Hopeful Stakes Race.

Ang panalo ng Sepfourteen ang kumumpleto sa three-peat ng mga alaga ng SC Stockfarm ni Oliver Velasquez.

Sinimulan ang Triple Criown noon g 1978 kung saan napagwagihan ng Native Gift ang unang dalawang karera, ngunit nabigo sa Majority Rule sa ikatlong leg. Sa kasaysayan ng Triple Crown, tanging ang Fair and Square in 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014) ang nakapagtala ng tagumpay.