Kahit umuwi na sa bansa si Pangulong Rodrigo Duterte, nagtagumpay ang mga opisyal ng Pilipinas na kumbinsihin ang mga negosyanteng Russian na maging trading partners ng mga Pinoy. Target ng Pilipinas at Russia na madoble o higit pa ang bilateral trade na umabot lamang sa $220 milyon noong 2016.
“To us it is business as usual,” pahayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa business forum na inihanda ng Pilipinas sa Four Seasons Hotel sa Moscow, Russia nitong Huwebes.
Isa pang pulong ang ginanap sa St. Petersburg kahapon kasama a-ng malaki ring grupo ng Russian traders.
Sa isang panayam, inihayag ni Atty. Raul Lambino, chief legal counsel ng Philippines-Russia Business Council, na lumagda ang konseho sa Memorandum of Understanding sa Food City Center, ang pinakamalaking agriculture trading center sa Russia, para makapasok ang mga produktong agricultural ng Pilipinas gaya ng mangga, saging at pinya. Binabalak din ng mga Russian na magtayo ng nickel ore processing plant sa Pilipinas at makipag-partner sa steel at manufacturing. (Ben R. Rosario)