Sa gilid ng kalsada inabutan ng kamatayan ang retiradong Army officer sa Ermita, Maynila kamakalawa.
Nagsuka bago tuluyang binawian ng buhay si Orlando Villa, 68, ng 905 Padre Faura Street, sa Ermita.
Sa report ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nalagutan ng hininga ang biktima sa tapat ng Girl Scout of the Philippines building na matatagpuan sa Padre Faura St., kanto ng Leon Guinto St., bandang 3:55 ng hapon.
Sa salaysay sa pulisya nina Jesel Engado at Jennelyn Sandoval, empleyado ng Girl Scout of the Philippines, napansin nilang nagsusuka ang biktima sa gilid ng poste ng kuryente, kaya inabisuhan nila ang kanilang security guard, si Leo Superal, at pinatulungan ang biktima.
Nang lapitan umano ni Superal si Villa ay tila hindi na umano ito humihinga dahilan upang tumawag sila sa 911 police hotline.
Sa kabila ng mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng MPD-Station 5, tuluyan nang namatay si Villa.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng awtoridad ang autopsy result upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
(Mary Ann Santiago)