Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Center)
3:00 n.h.– NLEX vs Phoenix
5:15 n.h. – San Miguel Beer vs Alaska
SISIKAPIN ng San Miguel Beer na manatiling nakaagapay sa liderato para sa tsansang tumapos sa top two sa pagsalang nila ngayong hapon kontra Alaska sa 2017 OPPO-PBA Commissioners Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Hawak ang markang 6-2, pumapangalawa ang Beermen sa team standings kasunod ng solong lider Star Hotshots na lamang sa kanila ng dalawang panalo kasalo ng Barangay Ginebra na may laban naman Biyermes ng gabi kontra Blackwater.
Makakasagupa ng Beermen ang Alaska sa tampok na laban ganap na 5:15 ng hapon pagkatapos ng unang laro kung saan magtatapat ang NLEX at Phoenix ganap na 3:00 ng hapon.
Nabigo sa nakaraan nilang laban sa kamay ng Road Warriors, tatangkain ng Aces na makabawi at mawalis ang huling dalawang laro sa eliminations kabilang ang laban nila sa Beermen upang makatiyak ng slot sa playoff round.
Kaya naman, tiyak na nagbabagang aksiyon ang inaasahang matutunghayan sa pagitan ng dalawang koponan na hangad makabalik sa kanilang winning ways.
Mauuna rito, nakatikim na rin sa wakas ng tagumpay matapos ang unang siyam na kabiguan, target na tapusin ng Road Warriors ang kanilang second conference campaign sa pamamagitan ng back-to-back win.
Kabaligtaran ng Fuel Masters (4-6) na galing naman sa 121-122 kabiguan sa kamay ng Mahindra Floodbusters at tatangkain ngayong bumangon para makatiyak ng playoff berth para sa huling quarterfinals slot. (Marivic Awitan)