Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng publiko na magreresulta sa paggalaw ng West Valley fault line ang 5.4-magnitude na lindol sa San Marcelino, Zambales, nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Pom Simborio ng Phivolcs, science research assistant ng Phivolcs, ang Manila Trench ang pinagmulan ng pagyanig.

“Ito po ‘yung trench na nakaharap sa West Philippine Sea,” paglilinaw ni Simborio.

Aniya, ang West Valley fault, na saklaw ang Marikina, Pasig hanggang Muntinlupa City, ay kayang lumikha ng 7.2-magnitude na lindol na maaaring kumitil ng hanggang 34,000 katao at makasugat ng aabot sa 100,000, batay na rin sa isang pag-aaral.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Offshore po siya. ‘Yung lalim niya po ay 83 kilometers,” diin ni Simborio.

‘DI PA LIMOT

Samantala, sa Dagupan City, Pangasinan, nakadama ng matinding takot ang mga residente sa naramdamang pagyanig nitong Huwebes ng gabi dahil marami sa kanila ang hindi pa ganap na nakalilimot sa 7.8-magnitude na lindol sa North Luzon noong Hulyo 16, 1990.

Marami sa kanila ang hindi nakatulog sa matinding takot sa naramdamang pagyanig nitong Huwebes ng gabi.

(Rommel P. Tabbad at Liezle Basa Iñigo)