CAMP BANCASI, Butuan City – Matapos ang 20 araw ng pagkakabihag, pinalaya na ng New People’s Army (NPA) nitong Miyerkules ang isa pang bihag nitong sundalo ilang araw bago ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) sa Netherlands.

“After relentless calls from the civilian sector denouncing the abduction and series of military offensives conducted by the personnel of 403rd Infantry Brigade against the perpetrators to pressure them to free T/Sgt. Joseph T. Paredes, the NPA Custodial Unit finally turned over the latter to the City Mayor of Valencia City in her residence,” sinabi kahapon ni Col. Eric C. Vinoya, commanding officer ng 403rd Infantry (Peacemaker) Brigade ng Army.

Mula roon, dinala si Paredes sa himpilan ng Valencia City Police bago ibinigay sa kanyang pamilya.

Sasailalim din si Paredes sa serye ng pagsusuring medikal, ayon kay Vinoya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Alfredo Mapano, NDF peace consultant, na ang pagpapalaya kay Paredes ay pagpapakita ng “confidence building” kaugnay ng ikalimang bahagi ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF sa Netherlands ngayong weekend.

Matatandaang Mayo 5, 2017 nang bihagin si Paredes ng mga rebelde na nagpanggap na pulis sa checkpoint.

Mayo 22 naman nang palayain ng NPA ang dinukot nitong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na si Jeremias Estrada, 58, sa Barangay Buenavista sa Tandag City, Surigao del Sur, limang araw matapos itong dukutin.

(Mike U. Crismundo)