NAGING epektibo ang Anti-Distracted Driving Act (ADDA), o RA 10913, nitong Huwebes, Mayo 18, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay sinuspinde na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Officer-in-Charge Tim Orbos ang implementasyon ng nasabing batas, sa harap na rin ng malawakang pagtatalo tungkol sa paghuli sa mga lalabag.
Ang natukoy na problema ay dahil hindi lang ang pagbabawal ng ADDA sa paggamit ng cell phone habang nagmamaneho o nakahinto sa trapiko ang ipinatutupad ng mga taong naatasang magsagawa ng implementasyon—ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Highway Patrol Group, at MMDA.
Ipinatutupad din ang Joint Administrative Order 2014-01 ng DOTr. Ipinagbabawal ng direktiba ang ilang gamit at palamuti na karaniwang inilalagay ng mga tsuper sa kani-kanilang dashboard, gaya ng maliliit na laruang hayop at mga figurine. Ipinagbabawal din ang rosaryo na karaniwan nang isinasabit ng mga driver sa rear view mirror.
Gaya ng inaasahan, matindi ang naging pagtutol sa pagbabawal sa rosaryo. Nakiisa ang mga tsuper kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Secretary General Marvin Mejia sa paniniwalang nilalabag nito ang kanilang kalayaan sa pananampalataya.
Ang pagbabawal sa mga rosaryo at figurine ay ipinag-utos ng DOTr noong 2014, ngunit hindi naman ito naipatupad, marahil dahil ang mga relihiyosong bagay na ito ay hindi naman maituturing na nakahahati sa atensiyon ng nagmamaneho.
Ang mga cell phone ngayon ang totoong nakadi-distract sa mga driver kapag may dumating na text o tawag, dahil kakailanganin pang buksan ang mga ito kaya nababaling ang atensiyon ng nagmamaneho mula sa kalsada. Mas malala pa ang problema kung kakailanganin niyang sumagot sa text.
Ito ang nais tuldukan ng RA 10 10913, kasama na ang pagko-compute, at paglalaro ng electronic games, pagbabasa ng e-book at paggamit ng Internet sa mga cell phone. Ang mga figurine sa dashboard at mga rosaryong nakasabit sa rear view mirror ay hindi nakaaagaw ng atensiyon ng nagmamaneho. Nakatutulong pa nga ang rosaryo upang pakalmahin ang mga tsuper.
Sa gitna ng kabi-kabilang reklamo, ipinagpaliban ang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act habang isinasaayos pa ang mga ipatutupad na patakaran kaugnay nito. Mungkahi naming limitahan ng mga enforcer ang kanilang sarili sa pagbabawal sa paggamit ng cell phone, tulad ng nakasaad sa RA 10913. Huwag na munang isali sa ngayon ang mga pagbabawal na nakasaad sa Joint Administrative Order 2014-01 ng DOTr.