HINIHIMOK ng Environment Management Bureau-Region 6 ng Department of Environment and Natural Resources ang kabataan na makibahagi sa bago nitong kampanya upang protektahan ang isa sa pinakapopular at pinakamagagandang isla sa mundo, ang Boracay Island sa Malay, Aklan.

Tinatawag na #saveboracay, inilunsad ang kampanya sa kauna-unahang Youth Environment Summit na idinaos sa isla nitong Huwebes.

Nakibahagi sa summit ang nasa 100 leader ng mga grupo ng kabataan mula sa Boracay, Iloilo, Dumaguete, Cebu, Samar at Bohol.

Ang aktibidad ay inorganisa ng Environment Management Bureau-Region 6 sa pakikipagtulungan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Layunin ng kampanya na gawing viral ang mga usaping pangkalikasan at hikayatin ang kabataan na gamitin ang mga social media platform upang ipakalat ang wastong impormasyon tungkol sa kapaligiran.

Pinili ang Boracay para pagdausan ng summit dahil sa mga pangkalikasang isyu na nakaaapekto sa isla at karaniwan nang nakaiimpluwensiya sa turismo, ayon kay Environment Management Bureau-Region 6 director, Engr. Ariel Gloria.

“The youth should be proactive in protecting and saving the environment,” sabi ni Gloria.

Magagawa ito sa paghimok sa kabataan, o sa mga millennial na pangunahing tumatangkilik sa mga social media platform, na gamitin ang mga social networking site na tulad ng Facebook, Twitter at Instagram, para sa adbokasiyang pangkalikasan.

Aniya, dapat na magsimula ang kabataan sa mismong eskuwelahan at sa kani-kanilang komunidad.

Samantala, para sa paggunita sa Ocean Month ay ibinahagi ni Dr. Nathaniel Añasco, director ng Institute of Marine Fisheries and Oceanology ng University of the Philippines sa Visayas, sa kabataan ang kahalagahan ng pag-unawa sa karagatan upang mapangalagaan ang Boracay at ang likas na yaman nito.

Sinabi ni Añasco na mahalaga ang edukasyong pangkalikasan sa paglikha ng mga wasto at akmang polisiya sa lokalidad.

Sinanay din ang lumahok na kabataan kung paanong hihimukin ang komunidad sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng photojournalism at ng social media. (PNA)