BAGAMAT sa Mindanao lamang idineklara ang martial law, ito ay naghatid ng nakakikilabot na pangitain sa iba pang panig ng kapuluan; lalo na nga kung iisipin na laging ipinahihiwatig ni Pangulong Duterte na ang naturang batas militar ay hindi malayong pairalin niya sa buong Pilipinas. At malakas ang aking kutob na ito ay magaganap, dahil na rin sa adhikain ng Pangulo na pangalagaan ang mga mamamayan at ang bansa laban sa mga manliligalig.

Kaakibat nito, nais kong sariwain ang isang madilim at malagim na kabanata sa kasaysayan ng ating Republika nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang marital law sa buong bansa, halos limang dekada na ang nakalilipas.

Kasalukuyan akong naghahanda ng editorial materials para sa Taliba – ang kapatid na pahayagan ng dating Manila Times – nang biglang lumusob ang mga sundalo sa aming tanggapan at magalang namang sinabi: Please vacate the building, martial law na po.

Parang hindi sumasayad ang aking mga paa dahil sa mabilis na pagbaba sa Manila Times building; tumalilis papalayo upang makaiwas sa pinangambahang pag-aresto sa mga miyembro ng media na pinaghihinalaang kalaban ng naghaharing rehimen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinasara ang lahat ng himpilan ng radyo at telebisyon at maging ang lahat ng pahayagan sa buong bansa. Inihudyat nito ang kamatayan ng demokrasya at ang tandisang pagsikil sa karapatan sa pamamahayag o press freedom.

Sa bahaging ito nalantad ang malaking pagkakaiba ng martial law na idineklara nina Marcos at Duterte. Ang unang martial law ay ibinatay sa 1935 Constitution samantalang ang ikalawa ay alinsunod sa 1987 Constitution. Gayunman, ang layunin nito ay nakalundo sa pagsugpo sa rebelyon at iba pang kaguluhan laban sa pangangalaga sa higit na nakararaming mamamayan.

Sa umiiral na martial law, malaya pang gumaganap ng tungkulin ang mga mambabatas. Ibig sabihin, hindi pa binubuwag ang Kongreso; at ang hukuman ay hindi tinitinag sa paglilitis ng mga kaso. Mga pangyayari ito na taliwas sa batas militar na pinairal ni Marcos.

Gusto kong maniwala na ito rin ang tutularan ni Duterte. Malimit niyang ipahiwatig na maaaring magkaroon ng malawakang pagdakip sa pamamagitan ng Arrest, Search and Seizure Order (ASSO) laban sa mga naghahasik ng sindak at panganib sa buhay at ari-arian. Katunayan, binulaga tayo ng kanyang shoot to kill order laban sa mga may baril sa panahon ng martial law.

Gusto ko ring maniwala na ang martial law ay ipatutupad ng Pangulo hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa sapagkat ang mga salot ng katahimikan ay matatagpuan kahit saan. (Celo Lagmay)