ILANG panig ang nagsasabing dapat na maghain ang Pilipinas ng protesta laban sa China sa United Nations dahil sa pagbabanta umano ng digmaan laban sa Pilipinas kaugnay ng South China Sea.

Ang problema, walang opisyal na pahayag o salaysay sa nasabing banta ng China—wala sa alinmang dokumentong Chinese na maaaring magamit sa paghahain ng opisyal na reklamo sa UN. Ang panibagong debate sa kung ano ang dapat gawin ng Pilipinas ay batay sa pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa naging pag-uusap nila ni China President Xi Jinping.

Nagtatalumpati ang Presidente sa ika-33 pambansang kumbensiyon ng Philippine Coast Guard sa SMX Convention Hall sa Davao City nitong Biyernes nang magkuwento siya tungkol sa naging pag-uusap nila ni President Xi sa Beijing. Aniya, nagsabi siya rito na nais ng Pilipinas na kumuha ng langis sa isla na inaangkin din ng China bilang teritoryo. “Their answer to me was: We are friends and we do not want to quarrel with you and we want to maintain the present warm relationship we have. But if you force the issue, we go to war.”

Inilahad ito ni Pangulong Duterte upang suportahan ang polisiya niya sa pagpapanatili sa mabuting ugnayan ng bansa sa China dahil ang alternatibo, aniya, ay kaguluhan, isang digmaan. Sinabi nga ba ng presidente ng China na “We go to war”? O baka naman ito lamang ang pagkakaunawa ni Pangulong Duterte sa ibig ipakahulugan ng pinuno ng China.

Pagkatapos na maging malaking balita ang pahayag na ito ng Pangulo sa Davao, minaliit ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang sinasabing banta ng digmaan ng China. “The context was not threatening each other that we will go to war. The context was how do we stabilize the region and how do we prevent conflict,” aniya.

Mismong ang China ay walang direktang komento sa nasabing pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa naging pag-uusap nila ni President Xi Jinping. Sa halip, sinabi nitong ang China “[will] work with the Philippines to peacefully resolve disputes through friendly consultation.”

Sa harap ng mga balitang ito, hindi inaasahang may kahihinatnan ang mga panawagan sa paghahain ng protesta sa United Nations. Dapat na maunawaan ng mga nagigiit na magsampa ng protesta ang gobyerno na ang tanging basehan nito ay ang sinabi ng Pangulo sa pagkakaintindi nito sa naging pag-uusap nila ni China President Xi Jinping. At wala siyang planong maghain ng protesta, dahil na rin sa polisiya niya para sa pinaigting na kooperasyon, sa halip na kumprontasyon, sa China.