LUNA, La Union – Patay ang dalawang construction worker habang sampung iba pa ang nasugatan makaraang mahulog sa gilid ng sirang kalsada ang sinasakyan nilang truck habang binabagtas ang Barangay Oaqui, sa Luna, La Union nitong Miyerkules.
Batay sa ulat na nakalap ng media, kinilala ni Chief Insp. Arsenio Ramos, hepe ng Luna Police, ang mga nasawi na sina Jerry Olpindo, 21; at Jeremy Madrigal, kapwa obrero at taga-Bgy. Nagsabaran, Bangar, La Union.
Namatay ang dalawa nang matabunan ng semento mula sa truck.
Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Alan Pascua, 29; Jerry Ormita, 24; Antonio Rivera, 35, pawang taga-Bgy.
Mindoro, Bangar; Jesus Rivera, 36; Eric Hidalgo, 18; Reynaldo Munio, 55, mga taga-Bgy. Alzate, Bangar, La Union.
Sugatan din sina Christopher Lopez, 26, ng Bgy. Consegra, Bangar; William Bustamante, 18; Joel Monis, 25; Raul Madrid, 23, pawang residente ng Bgy. Quintarong, Bangar; at Me-oan James Casem, 19, ng Bgy. Nagsabaran, Bangar.
Ayon sa police report, nagbibiyahe ang truck, na minamaneho ni Eugenio Riotoc, 50, ng Bgy. Napaset, Luna, kasama si Jam Lorben, 20, taga-Bgy. Butubut Oeste, Balaoan, pakanluran nang biglang gumuho ang kalsada kaya nagdire-diretsong nahulog ang truck sa gilid nito. (Freddie G. Lazaro)