Sa kabila ng matinding pagkamuhi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa karahasan at lahat ng gawaing terorista, sinabi niyang handa siyang magtungo sa Marawi City at kausapin ang mga rebelde.

Aniya, gagawin ng gobyerno ang lahat upang mailigtas ang mamamayan, sa harap na rin ng mga ulat na ilan ang binihag ng Maute Group sa Marawi nitong Martes.

“I’m willing to go there to talk. Make no mistake about it. I’m willing to go to Marawi anytime,” sabi ni Pangulong Duterte. “When you say that they want to talk about peace, lay down the arms and I will go there and talk to them.”

Ito ay kahit pa kaagad siyang nagdeklara ng batas militar sa Mindanao kasunod ng pagsiklab ng bakbakan ng militar at pulisya laban sa Maute, na kumubkob at nagsunog sa ilang establisimyento sa siyudad.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kaugnay nito, tiniyak naman ng Presidente na hindi niya kukunsintihin ang anumang pag-abuso ng militar o pulisya sa karapatang pantao, partikular sa mga sibilyan, sa pagpapatupad ng martial law.

BAWAL UMABUSO

“For those military offenders, you will have a summary hearing of a martial court. They will be subjected to military laws,” sinabi ni Duterte sa press conference pagdating niya sa Maynila galing sa Moscow, Russia nitong Miyerkules ng hapon.

“The members of the military, police and everyone, do not try to challenge government. No abuses of any kind,” he said.

Iginiit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi uubra ang warrantless arrest kahit pa umiiral ang martial law.

“Warrantless arrest for crimes other than rebellion cannot be made even with the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus,” ani Drilon.

Ang pahayag ay ginawa ni Drilon bilang reaksiyon sa ssnabi ni dating Supreme Court Justice Vicente Mendoza na hindi umano maaaring akusahan ang pamahalaan ng paglabag sa Bill of Rights dahil sa ipinaiiral na batas militar.

EXTENDED SI AÑO

Samantala, dahil sa krisis sa Marawi ay pinalawig pa ni Pangulong Duterte ng anim na buwan ang termino ng maaga sanang magreretiro na si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año.

Una nang inaapura ang pagreretiro ni Año, matapos ihayag ng Presidente na ito ang susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Naisumite na rin ng Malacañang nitong Miyerkules ng gabi sa Kamara ang kopya ng report sa pagdedeklara ng Pangulo ng batas militar sa Mindanao, alinsunod sa nilagdaan niyang Proclamation No. 216.

(Genalyn Kabiling, Argyll Cyrus Geducos, Leonel Abasola at Beth Camia)