NAGPAHAYAG ng interes ang mga opisyal ng nasa walong dayuhang bangko upang magbukas ng kanilang sangay sa Pilipinas.
“There are definitely new players coming in. Some of those are directly linkable to ABIF (ASEAN Banking Integration Framework),” sabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Nestor Espenilla Jr.
Simula nang pagtibayin bilang batas ang Republic Act 10641, o ang Act Liberalizing the Entry and Scope of Operations of Foreign Banks in the Philippines, noong Hulyo 2014, maraming banyagang bangko ang nagpakita ng interes na mamuhunan sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, naaprubahan na ng Monetary Board (MB), o ang lumilikha ng mga polisiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang lokal na operasyon sa bansa ng siyam na dayuhang bangko.
Kabilang sa mga bangkong ito ang apat mula sa Taiwan, ang Cathay United Bank, Yuanta Commercial Bank, First Commercial Bank, at Hua Nan Commercial Bank Ltd.
Ang iba pang dayuhang bangko na inaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang magbukas ng sangay sa bansa ay ang Woori Bank, Industrial Bank of Korea, at Shinhan Bank ng South Korea; ang United Overseas Bank Ltd. Ng Singapore; at ang Sumitomo Mitsui Banking Corp. ng Japan.
Ayon sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, karamihan sa mga banyagang operasyong pinansiyal na ito ay nakabase sa Asya.
Ang pagbubukas ng mga nasabing dayuhang bangko ng kani-kanilang sangay sa Pilipinas ay bahagi ng pagbubuklod ng ekonomiya ng 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN. (PNA)