NAUNGUSAN ng Diliman College Blue Dragons at University of the Philippines Maroons ang liyamadong karibal sa pagpapatuloy ng 23rd Fr.Martin Cup Summer Basketball tournament.
Sumandal ang Blue Dragons sa tikas ni African cager Adama Diakhite sa final period para gulatin ang La Salle Green Archers, 75-68, sa San Beda-Manila gymnasium sa Mendiola.
Kumana si Ibrahim Outtara ng 20 puntos sa UP Maroons para sandigan ang 82-78 panalo kontra San Beda Red Lions sa cagefest na suportado ng Armor On Sportswear.
Tumipa si Diakhite ng 16 sa kanyang 33 puntos sa fourth quarter para matikman ng Blue Dragons ang unang panalo sa tatlong laro.
Nadungisan naman ang Green Archers matapos ang apat na sunod na panalo. Nanguna sa La Salle sina Brent Paraiso at Jollo Go sa naiskor na 16 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa junior division, pinasadsad ng University of Santo Tomas Tiger Cubs ang Manila Patriotic School, 94-77, para sa ikalawang panalo sa apat na laro, habang nanaig ang Chiang Kai Shek Blue Dragons sa San Beda Manila.
Nanguna sina Rhayjun Baquial at Timothy de la Cruz sa Tiger Cubs sa nahugot na tig-16 puntos.
Nananatili namang walang talo ang Blue Dragons nang gibain ang San Sebastian Staglets, 78-74.
Dinurog naman ng National University Bullpups ang Emilio Aguinaldo College Brigadiers, 102-76, para sa ikatlong panalo.