Sa pagpapatuloy ng laban kontra ilegal na droga, lima pang katao ang inaresto sa buy-bust operation sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Christopher Falcon y Trinidad, alyas Lakay, 29; Rey Bolote y Manlangit, alyas Dondon, 39; Alberto Colas y Casere, alyas Abet, 41, Jenelyn Salonga y Coimang, alyas Hannah, 33, pawang ng Balbanero Compound, East Service Road, Barangay Alabang, Muntinlupa City; at Mary Jean Colocano y Arillo, alyas Jean, 31, ng No. 2350 Enta Tenorio Street, San Andres Bukid.
Sa imbestigasyon ni PO3 Psylo Joe Jimenez ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dakong 2:30 ng madaling araw isinagawa ng SDEU operatives, sa pangunguna ni PO3 Ermilito Portento, ang buy-bust operation laban kay Falcon.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng shabu.
Habang inaabot ni Falcon ang droga sa pulis ay dinamba na siya ng mga nakaantabay na awtoridad habang naabutan namang bumabatak ang apat pang suspek.
Narekober sa mga naaresto ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, isang itim na pouch, isang aluminum foil strip, dalawang aluminum foil tooter at dalawang disposable lighter.
Sasampahan si Falcon ng kasong paglabag sa Section 5 (selling), Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang paglabag sa Section 13, Article II, RA 9165 ang isasampa laban sa apat na iba pa. (Bella Gamotea)