BAGUIO CITY – Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Cordillera ang pagtataas ng Cordillera Regional Tripartite Wages and Productivity Board (TRWPB-CAR) ng suweldo ng mga kumikita ng minimum sa rehiyon.
Sinabi ni RTWPB Chairman at DoLE-Cordillera Director Exequiel Guzman na P300 na ang minimum na arawang suweldo sa Baguio para sa mga may mahigit 11 empleyado, at P285 naman sa may 10 pababa na manggagawa.
Aniya, itinaas na sa P290 ang dating P275 na suweldo ng mga may mahigit 11 empleyado sa Tabuk City, Kalinga; Bangued, Abra; Bontoc, Sagada; Bauko, Mountain Province; Lagawe, Ifugao; at Tublay, Benguet; habang P280 naman sa may 10 pababa na manggagawa. Ang iba pang lugar sa rehiyon na may mahigit 11 empleyado ay P280 na ang arawang sahod, habang P270 naman sa may 10 pababa.
Tanging ang Itogon, Tuba at Sablan sa Benguet ang hindi saklaw ng wage order.
May hiwalay din na wage order na ipinalabas ang RTWPB na nagtatakda sa P3,000 na minimum na suweldo ng mga kasambahay sa mga siyudad at first class municipalities, habang P2,500 naman sa iba pang mga munisipalidad.
Ang Wage Order CAR-DW-02 para sa mga kasambahay ay inaprubahan nitong Abril 19 at magiging epektibo ng Mayo 8, 2017, habang ang Wage Order RB-CAR-18 na inaprubahan noong Abril 19 ay magiging epektibo naman sa Hunyo 5.
(Rizaldy Comanda)