LAHAT tayo, sa ayaw at gusto, ay magiging senior citizen. Kukulubot ang ating mukha kahit ilang beses pa tayong magpabanat ng balat o magpahid ng kung anu-anong pampabata. Babagal din ang ating paghakbang at lalabo ang mga mata.
Pati pandinig hihina -- minsan kaliwa, ang iba naman, kanan.
Pati pag-iisip napupurol. Ang dating bahag-haring mga alaala at makukulay na kumpas at kaganapan sa ating buhay, aanayin sa pagiging makakalimutin. And’yan ang tungkod upang umalalay, o ‘di kaya ang wheel chair upang masiguro ang pagbaybay sa dating mga landas na kumakaripas tunguhan. Unti-unti nating nauunawaan ang pinagdadaanan ng ating magulang sa pag-abante ng ating edad.
Ito lalo, kung may habag na bumibilang ng lampas 80 ang gulang. May mangilan-ngilan na umaabot sa 90. Grasya na ng langit kapag ganon dahil kung Bibliya ang pagbabatayan, hanggang 60 ang kadalasang takda ng buhay ng tao sa mundo.
Base sa liham na natanggap ko mula kay dating Senador Eddie Ilarde, na ipinapaabot kay Presidente DU30, “Ang pagputi at pagtanda ng mundo ay isang makabuluhang pagbabago sa kasaysayan ng populasyon.
Ang mga may-edad ay mas dadami kumpara sa kabataan. Hindi ang kabataan ang ating kinabukasan, bagkus mga senior citizen. Mas kakaunting supling ang isinisilang sa ngayon, habang, humahaba naman ang buhay ng tao ng karagdagang 20 taon.
Alinsunod sa United Nations (UN), ang matatanda ay nangangailangan ng oportunidad at sistemang kumakalinga sa kanila, kasama ang pagkakataong kumita, social security at health care. Sa ngayon, karamihan sa mga bansa ay nagtatag na ng kani-kanilang ahensya upang ampunin ang alituntunin ng UN para sa senior citizen.”
Paglalambing ni Kuya Eddie kay Digong, “Sana madinig ng Palasyo ang panalangin ng halos 13 milyong Seniors, sa pamamagitan ng paghain ng Executive Order na magtatatag ng Presidential Commission for Senior Citizens.”
Ito ay magsisilbing ginintuang pamana ni Digong sa pambansang pagkalinga sa tumatandang – mga magulang ng bayan – sektor. (Erik Espina)