NAGTATANUNGAN ang mga nakabasa ng post ni Ken Chan sa social media kung sino ang “IKAW” na pinatutungkulan sa mahabang post.
Bago naglabas ng sentimiyento, nag-post muna si Ken ng quotation na, “God is lining things up for you. He always has been and always will.”
Heto na ang post ni Ken: “Kung nasan man ako ngayon, ‘yun ay dahil sa talent na ibinigay sa akin ng Panginoon, sa pagmamahal sa akin ng pamilya ko, sa pag-aalaga sa akin ng GMA-7 at sa mga taong walang sawa ang suporta sa akin...
Hindi ko hahayaang masira ang pinaghirapan ko nang dahil lang sa taong punung-puno ng poot sa dibdib. Sobra ang pasasalamat ko dahil marami ang nagmamahal sa akin. Kaya hindi ko kayo kailangan sa buhay ko.
“Walang makakapigil sa mga bagay na gusto kong gawin. Hihinto lang ako kapag sinabi ng Panginoon, pero IKAW hinding-hindi mo ako mapapahinto. Ipagdarasal na lang kita.”
Parang alam ng ilang fans na close kay Ken kung sino ang taong tinutukoy niya o naninira sa kanya. Sa katunayan, tinanong nila ang aktor kung gusto niyang pangalanan na nila ang nasabing tao. May ilan nga na kulang na lang banggitin ang pangalan ng naturang tao.
May nakausap kami at nag-share ng alam niya tungkol sa isyung ito. Nakakalungkot kung totoo dahil sa halip na magtulungan para mas umabante pa ang career ni Ken at ng talent na hawak ng taong ‘yun, may paninira pang nagaganap.
May isang big project na inihahanda na para kay Ken at kapag hindi ‘yun natuloy, alam na ang rason at kung sino ang kumontra.
Anyway, kabilang sa mga sumusuporta sa kanyang pinasalamatan ni Ken ang mga kasama sa Meant To Be na kung tawagin niya ay “My Meant To Be Family.”
Hanggang June 23 na lang ang rom-com series na pinangungunahan ni Ken kasama sina Barbie Forteza, Ivan Dorschner, Addy Raj at Jak Roberto, mula sa direksiyon ni LA Madridejos. Kasama rin nila sina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Tina Paner, Keempee de Leon, Mika dela Cruz, Sef Cadayona, Stephanie Sol, at Ms. Gloria Romero. (Nitz Miralles)