Nasawi ang tatlong katao habang 18 iba pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa Barangay Hidhid, Matnog, Sorsogon kahapon.

Sa report na nakarating sa tanggapan ng Matnog Municipal Police, nangyari ang insidente sa Sitio Colonia sa Bgy. Hidhid sa Matnog.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na minamaneho ni Joey Garalde ang jeep (EUV-387), sakay ang 25 pasahero nang mawalan siya ng kontrol sa sasakyan hanggang bumangga sa railings sa kaliwang bahagi ng kasada at diretsong bumulusok sa bangin na may lalim na 30 metro.

Kinilala ang mga nasawi na sina Josefa Hilao, 78; Judy Hilao, 60; at Bernalet Alcantara, 32, pawang residente ng Tabaco City, Albay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Isinugod naman ang mga sugatang pasahero sa Matnog Medicare and Community Hospital, Sorsogon Provincial Hospital at Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City makaraang magtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple injuries laban kay Garalde.

(FER TABOY)