NAGHAHANDA na ang Department of Health (DoH) ng mga smoking cessation clinic dahil inaasahan ng kagawaran na dadami ang mga magnanais na tumigil sa paninigarilyo kasunod ng pagpapalabas ng isang executive order na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa.

May programa ang Lung Center of the Philippines sa Quezon City para sa mga nais huminto sa paninigarilyo, at ang mga programang gaya nito ang inihahanda sa iba pang mga pasilidad ng DoH, ayon kay Dr. Eric Tayag, idinagdag na puntirya ng programa ang mga naninigarilyo na nais magpatulong sa doktor upang matagumpay nilang maihinto ang bisyo.

“It was stated in the EO that we will provide service for those who want to quit. So it really means that the DoH, aside from focusing on pushing for a smoke-free environment, is also committed towards providing services to help those who want to quit smoking,” sabi ni Tayag.

Nangako si Health Secretary Dr. Paulyn Ubial na ipagpapatuloy ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga health worker sa mga smoking cessation clinic.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi ni Tayag na alinsunod sa Executive Order 26, liliit na ang mundong ginagalawan ng mga naninigarilyo, dahil iisa lamang ang itatalagang designated smoking area sa bawat gusali.

Umaasa siyang dahil sa mga limitasyong ito ay tuluyan nang matitigil sa pagsisindi ng yosi ang mga naninigarilyo.

Samantala, sinabi ni Tayag na ipatutupad ng mga lokal na pamahalaan ang EO kapag nabuo na ng technical working group ni Ubial ang implementing rules and regulations (IRR) ng kautusan.

Paliwanag niya, ang IRR ang magsisilbing gabay ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga ordinansa na lilikhain batay sa EO, partikular na sa aspeto ng pagpaparusa sa mga lalabag sa ban o silang maninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa DoH, ipinagbabawal sa EO, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Mayo 16, ang paninigarilyo sa mga saradong pampublikong lugar o transportasyon maliban sa mga designated smoking area.

Ipinagbabawal din ang pagbebenta at pamamahagi ng mga produktong tabako sa mga menor de edad, at pagbebenta o pagbili ng mga sigarilyo at iba pang produktong tabako. Bawal din na utusan ang isang menor de edad na gumamit, magsindi, bumili, magbenta, magbigay, maghatid, o magsulong ng paggamit ng produktong tabako.

Ipinagbabawal din ng EO ang pagbebenta ng mga produktong tabako na nasa 100 metro ang lapit sa mga eskuwelahan, palaruan, tirahan ng kabataan, pasyalan at iba pang lugar na madalas puntahan ng mga menor de edad. Bawal din ang paglalagay ng anunsiyo ng tabako sa labas ng mga lugar na nagbebenta nito. (PNA)