Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaril at pagpatay ng sinasabing holdaper sa kasama nito sa taxi sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang biktima na si Nelson Batan y Kalinisan, nasa hustong at walang permanenteng tirahan.

Patay na si Batan, tadtad ng tama ng bala sa katawan, nang masilayang nakahandusay sa loob ng Reydec Taxi (ABO-6399), na minamaneho ni Walter Sabaria.

Agad namang naaresto ang suspek na si Lilibeth Bacus, 45, ng Mary Homes Subdivision, PI Blk. 9, Lot 14, Molina, Bacoor City, Cavite.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa report ni Police Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-PS10, bandang 10:00 ng umaga nangyari ang insidente sa loob ng taxi, sa tapat ng Helmark Bldg., sa E. Rodriguez Sr., Barangay Immaculate Concepcion, Quezon City.

Ayon kay Sabaria, sumakay ang biktima at ang suspek sa Mandaluyong City at nagpapahatid sa Cainta Rizal, ngunit nagpumilit ang babae na sa Cubao na lang sila ihatid.

“Sa taxi pa lamang ay mainitan nang nagtalo sina Batan at Lilibeth hanggang sa binaril ng babae ang lalaki sa may tapat ng Helmark building,” kuwento ng driver.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na bumaba sa taxi si Lilibeth habang dumiretso naman si Sabaria sa Bantay Bayan outpost, at ipinahuli ang suspek.

Ayon sa CIDU, posibleng onsehan sa pera ang pinag-awayan ng dalawang pasahero. (Jun Fabon)