Idineklara ang batas militar sa Mindanao makaraang makipagbakbakan ang armadong grupo ng kalalakihan, mga miyembro ng Maute Group, sa tropa ng militar sa Marawi City sa Lanao del Sur. Dahil sa mga paunang ulat, kabilang ang umano’y panununog sa isang katedral, nagdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar sa Mindanao.
Hindi na tinapos ni Pangulong Duterte ang kanyang state visit sa Russia upang makauwi kaagad sa Pilipinas, matindi ang kanyang pagkabahala dahil mistulang lumalaganap ang karahasan sa Mindanao. Ang Maute, kasama ang Abu Sayyaf, ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at iba pang mga grupo ay matagal nang kumikilos sa katimugang Mindanao, at malinaw na hiwalay sa mga pangunahing organisasyong Moro — ang Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nitong Abril at Mayo, nagsagawa ng operasyon ang Abu Sayyaf sa Bohol, kung saan magpupulong ang mga minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Lubhang malayo ang lalawigan sa karaniwan nang teritoryo ng grupo sa Sulu at Basilan, kaya naman labis na nabahala ang mga awtoridad. Ngunit napaslang na ng militar ang grupo sa Bohol.
Ang pagsalakay ng Maute sa Marawi City ay isa pang operasyon na malayo sa katimugang Mindanao, at nakababahala ang mga paunang ulat kaya naman mabilis na tumugon si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pagdedeklara ng batas militar, at sa bisa nito ay mas mabilis at epektibong makakikilos ang mga puwersa ng gobyerno kumpara sa kung normal ang sitwasyon.
Ngunit hindi gaya ng batas militar na idineklara ni Pangulong Marcos noong 1972 alinsunod sa 1935 Constitution, ang isang ito ay ipinaiiral lamang sa Mindanao at nakabatay sa mga limitasyong nakasaad sa Section 18, Article VII ng kasalukuyan nating Konstitusyon noong 1987. Kabilang sa mga limitasyon ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga korteng sibil at magkatuwang na pagsusuri ng Kongreso at Korte Suprema sa proklamasyon.
Sa mga susunod na araw, masasaksihan natin ang Sandatahang Lakas, na suportado ng Philippine National Police, sa pagpapatupad ng batas militar sa buong Mindanao. Dapat na samantalahin ang panahong ito upang makipag-ugnayan sa MNLF at MILF sa plano na tuluyan nang tuldukan ang banta ng karahasan ng maliliit na armadong grupo, tulad ng Maute at Abu Sayyaf na matagal nang namemerhuwisyo sa Mindanao.
Marapat na maisakatuparan ng gobyerno, sa pangunguna ng Pangulo na nagmula rin sa Mindanao, ang layuning maibalik ang kaayusan nang walang nangyayaring mga pag-abuso, tulad ng sa pagpapairal ng batas militar noong 1972. Tunay na napapagitna sa pagsubok ang bansa natin sa ngayon ngunit malaki ang tiwala natin sa ating mga opisyal at sa ating mga armadong puwersa ng militar at pulisya na mapagtatagumpayan nila ang panibagong hamon na ito sa ating bansa.