Hindi lumusot ang mga dahilan ng hinihinalang Akyat-Bahay member nang makuha sa kanya ang mga nawawalang gamit at pera ng isang babae sa Valenzuela City, nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang inarestong suspek na si Alfred Data, 23, ng De Leon Street, Home Centrum Subdivision, Barangay Mapulang Lupa.
Ayon sa biktimang si Ferly Dela Cruz, 28, kapitbahay ng suspek, bandang 7:00 ng umaga ay napansin niyang sira ang bintana sa kanilang sala.
Makalipas ang ilang minuto, nadiskubre ni Dela Cruz na nawawala ang dalawa niyang cell phone, P7,000 cash at ATM cards.
Kinutuban na umano si Dela Cruz na si Data ang nasa likod ng panloloob nang maalala niyang paaligid-aligid ang huli sa kanyang bahay.
Dahil dito, humingi ng tulong sa awtoridad ang biktima at pinuntahan ang bahay ng suspek.
Todo-tanggi pa ang suspek na wala siyang kinalaman sa nakawan, ngunit nakuha sa kanya ang mga cell phone, P7,000 cash at mga ATM card ni Dela Cruz.
Depensa naman ni Data, ibinigay lang sa kanya ni alyas Nognog ang pera at mga cell phone, bagay na hindi pinaniwalaan ni Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela PNP. (Orly L. Barcala)