ISULAN, Sultan Kudarat - Natagpuan na ng rescuers mula sa South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang bangkay ng babaeng Romanian na hindi umano naawat sa pagtalon sa Falls 2 sa bayan ng Lake Sebu nitong Mayo 20.
Kinumpirma ni Milagros Lorca, namumuno sa PDRRMC, ang pagtalon ni Petrica Paul Bratu, 22, Balta Alba, Romania, sa falls na may taas na 600 talampakan.
Sa Falls 7 natagpuan ang bangkay ng dayuhan dakong 10:40 ng umaga nitong Lunes.
Ayon kay Jose Parreño, hepe ng Lake Sebu Municipal DRRMC, ang Falls 2 ang pinakamataas sa lugar at may nakakita at umawat pa umano kay Bratu na itigil ang binabalak pero tumalon pa rin ito.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa embahada ng Romania sa Metro Manila kaugnay ng bangkay ni Bratu. (Leo P. Diaz)