MOSCOW, Russia – Muling idiniin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang alok na pagkakaibigan ng Pilipinas sa Russia at pag-aasam na lumakas ang pagtutulungan sa kalakalan at komersiyo ng dalawang bansa sa pagpupulong nila ni President Vladimir Putin, na kaagad bumiyahe pabalik sa kabisera ng Russia upang makapulong ang kanyang katapat na lider ng mga Pilipino nitong Martes ng gabi.
Napaaga ng dalawang araw ang pagpupulong nina Putin at Duterte na unang itinakda ngayong Huwebes, dahil kinailangang umuwi ng huli para harapin ang lumalakas na banta ng mga terorista sa Mindanao.
“I come to seek your friendship and to trade, establish trade and commerce with your country,” diin ni Duterte kay Putin.
Paliwanag niya: “I am sorry if I am in a hurry but I need to buy, if you can grant me a soft loan, we’ll raise the money and pay it right away because the arms that we ordered from America was cancelled.”
Pangungunahan ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano ang delegasyon ng Pilipinas at kakatawanin si Duterte sa paglalagda ng mga bilateral agreement, na karamihan ay nakatakda ngayong araw.
Tumugon si Putin na nauunawaan niya ang problema ni Duterte kayat napaikli ang sana’y apat na araw na pagbibisita nito sa Russia.
“And my colleagues and myself definitely understand quite well that you do have to come back to return to your motherland,” paniniyak ni Putin kay Duterte.
Abala ang schedule ng Russian leader sa Krasnodar, may 1,193 kilometro ang layo mula sa Moscow, sa araw na bumiyahe siya pabalik para makipagkita kay Duterte.
“As you probably know, I spent this day away from Moscow in one of our regions. And that I have seized the chance to see you in person,” ani Putin.
Nagpulong ang dalawang lider sa Kremlin Grand Palace ilang minuto bago lumipad si Duterte pabalik ng Pilipinas para personal na pamahalaan ang pagpapatupad ng deklarasyon niya ng batas militar sa Mindanao matapos umatake ang mga rebeldeng Maute, na nakikipag-alyansa sa teroristang grupong Islamic State, sa Marawi City, Lanao del Sur.
Sa sampung minutong pag-uusap, nagpahayag si Putin ng kasiyahan sa pagtanggap ni Duterte sa kanyang imbitasyon na bumisita sa Moscow.
Nakisimpatiya rin si Putin sa bansa sa pagsiklab ng karahasan sa Marawi City na ikinamatay na ng tatlong tropa ng pamahalaan.
”At the outset of our conversation, I would... I have to express our condolences as a matter of fact, loss of lives of your people happened because of a horrible terrorist attack,” aniya.
Tiniyak ni Putin kay Duterte na ang lahat ng bilateral agreement na tinalakay at inihanda ng kanilang mga bansa “will be signed and inked.” (BEN R. ROSARIO)