HINDI ko matiyak kung ang iniulat na pamumutol ng libu-libong punongkahoy ng isang mining company sa Palawan ay nakarating na sa kaalaman ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Subalit isang bagay ang nagdudumilat: Ang naturang pananampalasan sa sinasabing mga century-old trees ay isang insulto sa bagong pamunuan ng nasabing ahensiya na ang pangunahing misyon ay pangalagaan ang kalikasan.

Maliwanag na ang nabanggit na paglabag sa DENR laws ay isang hamon kay Cimatu upang pangatawanan ang pagpapatuloy ng implementasyon ng mahihigpit na regulasyon na isinulong ni dating Secretary Gina Lopez. Natitiyak ko na hindi maghahalukipkip ang bagong DENR leadership sa mga pagsasamantala sa mga yamang-gubat; at lalong hindi nito ikatutuwa ang maging inutil sa pagtupad ng isang makatuturang tungkulin.

Subalit maliwanag ang isinasaad sa Facebook ni Lopez: “Two days after my rejection, Ipilan Nickel Corp. in Brooke’s Point – WITHOUT A Permit, WITHOUT PROTECTED AREA CLEARANCE – went on a massacre, cutting thousands of century old trees.” Ang naturang mining company ay matatagpuan sa Palawan at sinasabing ang pamumutol ng mga punongkahoy ay makapipinsala sa 3,000 ektarya ng sakahan, 30,000 mamamayan at limang barangay.

Bagamat si Lopez ay wala na sa tungkulin dahil nga sa pagtutol ng Commission on Appointments (CA) sa kanyang kumpirmasyon, nakatuon pa rin sa DENR ang kanyang pagmamalasakit laban sa mga berdugo ng kalikasan at kapaligiran.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang kanyang bagong pagbubunyag at pinatunayan ni Conrado Corpuz ng DENR-Community and Environment and Natural Resources Office.

Hindi malayo na ang gayong nakapanggagalaiting pagsasamantala ay nagaganap din sa iba pang panig ng kapuluan na pinamumugaran ng mga tampalasan sa kabundukan. Maaaring pati ang mga mining company na nauna nang ipinasara ni Lopez ay namamayagpag na rin sa pagmimina... at pamumutol ng mga punongkahoy. Ang mga mine tailings ng minahan ay patuloy na namang lumalason sa mga ilog sa kapinsalaan ng mga magsasaka at mangingisda. At lalong hindi malayo na ang mga open-pit mining ay muling hinuhukay at makapag-aahon ng katakut-takot na mina.

Walang hindi maniniwala marahil na ang pagpipista ng mga mining industry ay may proteksiyon ng ilang haligi ng administrasyon. Ang bagong pamunuan kaya ng DENR ay sunud-sunuran lamang sa kumpas ng mga kunsintidor sa pagwasak ng kalikasan, tulad nga ng pagmasaker ng mga punongkahoy at iba pang pamiminsala? (Celo Lagmay)