Lolo Leoncio copy

MAGSAYSAY, Davao del Sur – Nakasanayan na ng 101-anyos na si Leoncio Sayson Saturos ang pag-inom ng isang baso ng “tuba”, o alak mula sa niyog, araw-araw. Aniya, ito ang sekreto ng mahaba niyang buhay.

Kasama ang lima sa walo niyang anak, sumakay si Lolo Leoncio para magbiyahe ng limang kilometro mula sa kanyang bahay sa Purok 1-A sa Barangay Bacungan patungo sa munisipyo ng Magsaysay sa Davao del Sur.

Naghihintay kasi sa kanya ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 11 at si Mayor Arthur Davin upang ipagkaloob sa kanya ang P100,000 cash bilang inspirasyon ng isang “well-lived, healthy and happy lifestyle”, alinsunod sa RA 10868 o ang Centenarians Act of 2016.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Naglalakad sa tulong ng saklay, matalas pa ang pag-iisip ni Lolo Leoncio bagamat kailangang lumapit sa kanya ang kausap upang malinaw niyang marinig ang sasabihin nito, dahil mahina na ang kanyang pandinig.

Sinabi ni Lolo Leoncio na malaking tulong ang pera sa kanyang mga pangangailangan dahil umaasa lamang siya sa kanyang pensiyon bilang beterano ng digmaan.

Bukod sa araw-araw na pag-inom ng tuba, umiinom din si Lolo Leoncio ng gatas ng kambing at tsokolate, at kumakain ng sariwang dahon ng tabako, mga prutas at gulay.

Wala siyang anumang iniindang sakit, at hindi rin nililimitahan ang kanyang diet, bagamat sadyang bihira siyang kumain ng karne ng baboy at manok. Mas gusto niyang kumain ng isda.

Si Lolo Leoncio ay beterano ng World War II at kalaunan ay naging “Tenyente del Barrio”—o barangay chairman ngayon—sa loob ng maraming taon sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1970s.

Nabiyudo siya noong nasa edad 70s makaraang pumanaw ang kanyang misis dahil sa diabetes. Pito sa walo niyang anak ang buhay pa, at 79-anyos na ang kanyang panganay. (PNA)