Upang mabawasan ang mga kinahaharap na problema sa tanggapan at maibsan ang tumitinding trapiko sa Metro Manila, sisimulang disiplinahin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim ang lahat ng kawani ng MMDA.
Ayon kay Lim, nais niyang malinis ang mga kawani ng ahensiya mula sa ano mang uri ng katiwalian, kasabay ng paghingi ng suporta mula sa mga opisyal at director ng MMDA.
“I ask for the support and cooperation of everybody. I am not here to make anybody’s life difficult. Let us all work together for a better Metro Manila,” ani Lim.
Sa unang araw ni Lim bilang pinuno ng MMDA, iniutos niya ang auditing sa lahat ng gamit, sasakyan at maging sa mga tauhan ng ahensiya.
Bubusisiin din ni Lim ang mga kasalukuyang kontrata at transaksiyong pinasok ng MMDA.
Tiniyak din ni Lim na bibigyang-pansin niya ang pagresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
“At this time, I will not be introducing any fancy traffic scheme. By going back to basics I meant strict adherence to our existing laws, practicing a culture of discipline, road courtesy, and changing the habits of the people.” sabi ni Lim. (Bella Gamotea)