Wala pang natatanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs kung mayroong mga Pilipino na kabilang sa mga namatay sa pagpasabog sa isang konsiyerto sa Manchester, England nitong Lunes ng gabi na ikinamatay ng 23 katao at ikinasugat ng mahigit 50 iba pa.

Ayon sa DFA, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa pamamagitan ng embahada sa London.

Batay sa mga inisyal na ulat, isang suicide bomber ang nasa likod ng pinaghihinalaang terrorist attack sa Manchester Arena. Naganap ang pagsabog dakong 10:40 ng gabi (3:30 ng madaling araw ng Martes sa Pilipinas) habang sa konsiyerto ng American pop singer na si Ariana Grande. Karamihan sa mga nasawi at nasugatan ay mga kabataang tagahanga ng singer.

DEEPEST SYMPATHY

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Samantala, ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikiramay at pakikiisa ng bansa sa United Kingdom kasunod ng madugong pagpasabog konsiyerto sa Manchester.

“Philippine President Rodrigo R. Duterte sends his deepest sympathies and concern to the families of the dead and wounded in the Manchester incident; as well as appreciation for the excellent handling by police/security forces,” sabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella.

“We are in solidarity with the United Kingdom in addressing and combating violent extremism,” aniya.

Ipinadala ang mensahe ng pakikiramay ng Pangulo sa pagdating niya sa Russia para sa official visit.

SECURITY TEMPLATE

Kaugnay ng madugong pagpasabog sa isang konsiyerto sa UK, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, ang seguridad ng international events na idinadaos sa Pilipinas, at idiniin na walang namo-monitor na banta ng terorismo.

May nakatakdang konsiyerto si Ariana Grande sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Agosto 21 at dahil sa nangyari sa Manchester concert nito, nais ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde na magkaroon ng maayos na koordinasyon ang pulisya at local government units (LGUs) sa pag-iisyu ng permiso/permit sa mga organizer ng malalaking concert.

Inihayag rin ni Albayalde na nais niyang gamitin ang “security templates” na inilatag sa 2016 Miss Universe Pageant noong Enero sa malalaking okasyon gaya ng mga konsiyerto.

(Roy C. Mabasa, Genalyn D. Kabiling, Fer Taboy, at Bella Gamotea)