Mahigit P600,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawa umanong drug pusher, na sinasabing supplier ng ilegal na droga sa Taguig, sa buy-bust operation sa Makati City, nitong Lunes ng gabi.
Kasalukuyang iniimbestigahan at nakakulong ang mga suspek na sina Tirso Margarito Rodel, alyas Boyet, 25, at John Jae Enicuela, alyas Jae, 22, kapwa ng Daffodil Street, Barangay Rizal, Makati City.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong 8:45 ng gabi ikinasa ng Drug Enforcement Unit (DEU), sa pamumuno ni Chief Insp. Gerry Amindalan, ang buy-bust operation laban sa dalawang suspek sa Daffodil St., Bgy. Rizal.
Nagpanggap na buyer ang isang pulis at bumili ng P10,000 halaga ng shabu sa mga suspek.
Hindi na nakapalag sina Rodel at Enicuela nang mahuli sila sa aktong inaabot ang droga sa poseur buyer.
Narekober sa kanila ang 120 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P660,000, at ang P10,000 buy-bust money.
Sasampahan sina Rodel at Enicuela ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II, RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Makati Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)