MAY “unwritten rule” sa pagitan ko at ng aking mga source sa pulis at militar, na nagbibigay ng impormasyon at pumapayag na makasama ako sa malalaki nilang operasyon, at ito ay ang ‘di ko muna pagsulat ng istorya hanggat walang “go signal,” lalo na kung may aberyang nangyari sa operasyon nila – tulad ng nangyari matapos nilang masakote ang walong miyembro ng Kuratong Baleleng sa hideout ng grupo sa Superville Subdivision sa Parañaque.
‘Di naman ito tuwirang pag-“censor” kundi para lamang huwag makumpromiso ang aking source na nagtiwala sa akin, kinakailangang personal muna kaming magkausap kung ano at paano nangyari ang anumang bulilyaso sa kanilang naging operasyon, upang maisama ko rin agad sa isusulat kong balita, ang paglilinaw sa kinalabasang kapalpakan.
Ito ang dahilan kung bakit sinabihan ko si Mandy na itikom muna ang aming bibig hinggil sa impormasyong alam namin, na ‘yung walong miyembro ng Kuratong Baleleng na nakasama sa 11 napatay sa engkuwentro sa Commonwealth Avenue ay buhay na buhay na ipinasok sa Camp Crame makaraang maaresto.
Ang logbook ng mga guwardiya sa Gate 2 (Santolan) ng Camp Crame, na ipinakita sa akin ng kaibigan kong naka-assign sa base command, ay isa sa mga patunay na naglabas-masok muna sa Camp Crame ang van na niratrat ng mga police sa Commonwealth Avenue. Standard Operating Procedure (SOP) kasi noon na ilista ang mga lumalabas at pumapasok na sasakyang gamit ng mga operatiba sa operasyon. Kaya hindi maikakaila na ang “death van” na natadtad ng bala sa Commonwealth Ave ay naglabas-masok muna sa Camp Crame bago naengkuwentro.
Makalipas ang ilang oras ay nagpatawag ng presscon ang PIO sa Camp Crame at personal na inanunsiyo ni PDG Recaredo Sarmiento, ang hepe PNP noon, ang pagkakapatay sa 11 miyembro ng KBG matapos umanong umiwas sa checkpoint sa panulukan ng Commonwealth Avenue at Batasan Road. Armado umano ang mga ito ng matataas na kalibre ng baril at nakipagpalitan agad ng putok sa mga operatibang humabol sa kanilang sasakyan. Sinabi pa niya na sa pagkakapatay ng grupong ito ay siguradong mababawasan na ang karahasang dulot ng mga miyembro ng KBG.
Kinabukasan ay pumutok na ang balita hinggil sa 11 miyembro ng KBG na napatay ng mga pulis sa “engkuwentro” sa Commonwealth Avenue, subalit walang nabanggit na impormasyon hinggil sa operasyon sa Superville subdivision sa Parañaque, sa lugar kung saan hinuli ang walong miyembro ng KBG. Nalaman ko rin ang buong pangyayari nang makausap ko ang aking source na taga-CIDG, na kasama rin sa operasyon sa Superville at sa pag-iimbestiga sa “shootout” sa Commonwealth Avenue.
Maging ang mga litratong kuha nila sa raid sa hideout ng KBG ay nakita kong lahat – at tumimo sa aking isipan... ang mga larawan ng dalawang operatibang nakasuot ng jacket, na may nakasulat na PACC sa gawing dibdib at may tig-isa silang duffel bag na, ayon sa ilang operatiba, may lamang mga dolyares na manapa’y kasama raw sa narekober ng grupo.
At kaya pala naging 11 ang napatay ay dahil may dati na umanong “pugo” ang mga operatiba ng PACC na nakatago sa compartment ng kani-kanilang sasakyan, na isinama sa walong nahuli sa Parañaque bago muling ibiniyahe papuntang Commonwealth Avenue.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)