SINUBAYBAYAN ng mas maraming manonood ang inabangang kasalan nina Cardo (Coco Martin) at Alyana (Yassi Pressman) sa FPJ’s Ang Probinsyano, kaya naman hindi ito natinag sa TV ratings sa buong bansa at tinalo ang pagtatapos ng dati nitong katapat noong Biyernes (Mayo 19) at ang pag-uumpisa ng bago nitong katapat noong Lunes (Mayo 22).
Tinutukan ang pag-iisang dibdib ng dalawa noong Biyernes at katibayan ang naitalang 36.6 na national TV rating ng aksiyon-serye, kumpara sa pagtatapos ng Encantadia ng GMA na nakakuha naman ng 27%, ayon sa TV viewership survey data ng Kantar Media.
Nagpatuloy ang madamdaming kasalan at nagsimula naman ang maaaksiyong eksena sa serye hanggang Lunes, na nagtala naman ng national TV rating na 41.1%, laban sa pag-uumpisa ng Mulawin vs Ravena na nagtala naman ng 22.5%.
Tinutukan din ng netizens ang mga makapigil-hiningang tagpo sa serye dahil naging trending topic sa Twitter ang official hashtags ng palabas na #FPJAPKasal at #FPJAPSingilan at nakakuha ng libu-libong tweets.
Samantala, sa pag-aakalang tapos na ang mga kaguluhan, aabot na sa sukdulan ang tapatan nina Cardo at Joaquin (Arjo Atayde) ngayong hawak na ng huli si Alyana at ilalagay ang buhay nito sa kapahamakan. Pero hindi titigil si Cardo hangga’t hindi siya nababawi sa mga kamay ng mortal na kalaban at sisiguraduhing pagbabayaran nito ang lahat ng kasalanan.
Abangan kung kaninong buhay ang mapapahamak? Maisalba kaya ni Cardo ang kanyang asawa? Magtagumpay kaya si Joaquin sa mga plano niya?
Huwag palampasin ang maaaksiyong tagpo sa numero unong primetime teleserye, FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Pwede ring mapanood ang past episodes ng palabas sa iWanTV.com o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.