DAHIL sa samu’t saring dahilan, patuloy na nakasubaybay ang mga nasa Pilipinas sa mga problemang patuloy na gumigiyagis sa administrasyon ni Donald Trump sa Amerika, ang huli ay ang pagbabahagi niya umano ng maseselang impormasyon sa mga Russian.
Ang isang dahilan ay dahil kapareho natin ang Amerika sa pagkakaroon ng sistema ng gobyerno na nagpapanatili ng balanseng kapangyarihan sa tatlong sangay—ang Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura. Kailangang pangasiwaan ng mga pangulo ng ating mga bansa ang pamahalaan sa ilalim ng mapanuring mata ng Kongreso at mga korte, upang tiyaking nasusunod ang mga batas at umiiral na polisiya ng gobyerno. Ito ay upang makasiguro laban sa pamamahalang authoritatian.
Ang ikalawang dahilan ay ang kapwa natin pagkilala sa malayang pamamahayag. Nanindigan ang mga nagtatag ng Amerika na mainam na pahintulutan ang mga mamamahayag na maging malaya sa kung anuman ang nais nilang ilathala, naniniwalang sa bandang huli, tanging katotohanan lamang ang mananaig. Nagdeklara si President Trump ng digmaan laban sa mga mamamahayag, tinawag na “fake news” ang trabaho ng mga respetadong institusyon na gaya ng New York Times at Washington Post, at dumepende na lamang sa kanyang pagti-tweet. Hindi pa umabot ang ganitong pangyayari sa Pilipinas, dahil patuloy na inirerespeto ng ating Pangulong Duterte ang mga mamamahayag sa Pilipinas, gayundin ang social media.
Ang ikatlong dahilan, ang pinakamainit na kontrobersiya ngayon sa Amerika y may kinalaman sa mga Russian, ang tradisyunal na kalaban ng pandaigdigang Cold War. Matagal nang nababanggit ni President Trump ang kagustuhang magkaroon ng malapit na ugnayan sa Russia, hanggang sa umabot sa puntong nagbahagi umano siya ng maseselang impormasyon tungkol sa operasyon ng Islamic State sa Gitnang Silangan, na nanggaling sa intelligence unit ng Israel.
Nangangamba ngayon ang mga kritiko na magdadalawang-isip na ngayon ang ibang bansa sa pagbabahagi ng mga sensitibong impormasyon sa Amerika.
Gaano kalaking bahagi ng kontrobersiyang kinahaharap ni President Trump ang solido, at gaano kalaking bahagi ang pulitika? Sadyang kritikal ang Democrats sa kung paano pinangangasiwaan ni President Trump ang kanyang administrasyon—mula sa desisyon niyang pagbawalang pumasok sa bansa ang mamamayan mula sa ilang bansang Muslim, hanggang sa pakikipaglapit niya sa mga Russian, at sa bintang na nakialam ang Russia sa eleksiyon sa Amerika. Sinibak na ni Trump ang hepe ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na si James Comey habang nasa kalagitnaan ito ng pagsisiyasat sa umano’y pakikialam ng Russia sa halalan sa Amerika.
Nang ihayag ni Comey na sinabihan siya ni Trump na hayaan na lamang ng FBI ang kaso, nagpahaging si Trump sa kanyang tweet na posibleng may mga tape ng recording ng pag-uusap nila sa White House, na nagpaalala sa mga mamamahayag sa sariling mga tape ni dating President Richard Nixon tungkol sa Watergate scandal na kalaunan ay naging dahilan upang magbitiw sa tungkulin si Nixon sa kainitan ng bantang impeachment sa kanya.
Dito sa Pilipinas, tinangkang patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte, dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa Davao Death Squad noong alkalde pa siya. Ngunit kaagad na tinuldukan ng Committee on Justice ng Kamara de Representantes ang pagtatangkang ito, nang magpasya na ang reklamong impeachment ay sapat ang anyo ngunit walang sapat na batayan.
Kaya ang buong atensiyon natin ngayon, kung mga kasong impeachment lang ang pag-uusapan, ay babalik kay President Trump. Nasa Gitnang Silangan siya ngayon habang abala naman si Special Counsel Mueller sa opisyal na pagsisiyasat sa kaso ng umano’y pakikialam ng Russia sa eleksiyon sa Amerika noong 2016. Ano man ang kahantungan ng imbestigasyon niyang ito, patuloy nating masusing susubaybayan, kaisa ang buong mundo, ang mga susunod na mangyayari.