NAITALA ng Philippine Air Force at Adamson University ang dominanteng panalo sa magkahiwalay na laro nitong Linggo sa Cebuana Lhuillier-ASAPHIL Summer Grand Slam National Open Fast Pitch softball tournament sa Bonifacio at St. Francis field sa Cabuyao City.

Sinimulan ng Air Force ang kampanya na maidepensa ang kampeonato nang bokyain ang Cebu City, 11-0, sa Open men’s division.

Pinulbos naman ng Lady Falcons, reigning UAAP champion, ang Manila City Team I, 10-0, sa women’s class.

Matikas din ang simula ng Ateneo nang pabagsakin ang Cabioa, Nueva Ecija, 7-0.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Humirit din ang Cavite sa dominanteng 19-0 panalo sa Manila City Team 2 sa ika-11 season ng torneo na ginagamit na batayan sa pagpili ng mga miyembro ng National Team.

Ginapi ng Philippine Youth team ang Tanauan, Batangas, 4-1, gayundin ang UP-Diliman, 5-4.

Namayani ang Sta. Maria, Bulacan kontra Rizal Technological University, 12-0, habang nagwagi ang Makati City sa Tanuan, Batangas, 7-6, sa torneo na nilahukan ng 46 koponan.

Sa iba pang resulta sa ladies division, dinaig ng UP Team 2 ang De La Salle-Zobel, 2-0, ngunit natalo sila sa University of the East, 2-9.

Binokya ng San Miguel, Bulacan ang DLSZ, 12-0.

Sa Men’s Club category, pinataob ng Alasba Bicol ang Cabuyao Transformer Galvatron, 10-2, ngunit natulala sa Air Force, 0-9.

“As we continue to build the path towards the Tokyo 2020 Olympics, we at Asaphil are relentless in our goal to find and train local softball stars, and this tournament serves that purpose,” pahayag ni Asaphil at Cebuana Lhuiller president Jean Henri Lhuillier. “Year after year, we are treated to highly competitive teams pitted against each other. This year is no different and I can’t wait to see how they are going to battle it out in the next couple of days.”